Wednesday , December 25 2024

Paboritong krimen ‘pag Pebrero: Pag-ibig

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

KAAKIBAT ng Pebrero ang ideya na ang kinakailangan ng mundo ngayon, higit kailanman, ay pagmamahalan, pero sa likod ng mga kilig na imahen ng Araw ng mga Puso ay naroroon ang isang nakababahalang realidad — pagiging talamak ng “love scams” sa mapaglarong mundo. Isang malupit na katotohanan na habang nag-uumapaw ang puso ng ilan sa mga romantikong pag-asam, mas tumitindi naman ang banta ng panloloko.

Ang mga love scams, o panlolokong idinaraan sa kunwaring romansa, ay isa na ngayong seryosong banta sa digital age, nariyan na bago pa man nagkaroon ng e-commerce at social media. Sangkot sa panlolokong ito ang pagpapaniwala sa isang indibiduwal tungkol sa pekeng romantic interest, na susundan ng bahagyang manipulasyon na kinasasangkutan ng pera o kaya naman ay garapalang extortion.

Habang mas nagiging interconnected ang mundo, lumalala naman ang mga love scams. Sinasamantala ang kahinaang mayroon ang mga online relationships.

Nakuha ng isyung ito ang atensiyon ko nang makita ko ang litratong kuha nang ilunsad noong nakaraang linggo ang #UnmatchPH campaign ng Scam Watch Pilipinas. Nasa grupong ito ng mga Internet-savvy ang marahil ay kaisa-isang hacker na kilala ko — o ganoon nga ba siya? (Patanong para pupuwedeng itanggi): ang dating kasamahan ko sa Manila Bulletin, ang editor ng Technews na si Art Samaniego.

Lumalabas na isa siya sa mga co-founders at lead convenors ng grupo. Katuwang sila ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa pagpapaalala sa mga Filipini na mag-ingat laban sa talamak na ngayong love scams.

Binigyang-diin ni CICC Executive Director Alexander Ramos ang pangangailangang mag-ingat, sinabing bagamat dapat pahalagahan ang pagmamahalan, importante namang utak ang sinusunod, lalo na kapag illegal scams na kinasasangkutan ng marupok na puso ang pinag-uusapan.

Binansagang panahon ng pag-ibig, ang Pebrero ay maaari rin maging negatibong oportunidad para sa mga walang puso at, gaya ng paalala ng grupo, walang sinasanto ang mga scams na gaya nito. Ang pagpapa-fall para makapanloko ay isang makasalanang busog ng pana na puntirya ang kahit sinong mabibiktima, kahit ano pa ang edad nila.

Pero ito ang isang fun fact, ayon sa grupo: Mga babae at miyembro ng LGBTQIA+ community ang kadalasang nabibiktima ng ganitong uri ng panloloko.

Ayon kay Jocel de Guzman, co-founder ng Scam Watch Pilipinas, dapat na maging alerto ang mga Filipino laban sa walong love scammer profiles. Walang kaibahan sa red flags, nakatutulong ang mga profiles na ito upang maging mas alisto at maingat ang mga indibiduwal sa pakikipagsapalaran sa pagkakaroon ng online romance.

Ang mga red flags na ito ay ang: “The Sad Boi, Sad Girl,” “The Investor,” “The Seducer,” “The Servicemen,” “The Escort,” “The Blackmailer,” “The Slow Burn,” at “The Predator.” Salamat kay Jocel sa pagbubuo ng mga suggestive labels na nagbibigay ng clue sa kani-kanyang paandar at galawan ng grupong ito ng mga love scammers.

Apela naman ng Firing Line sa mga Filipino, armasan ang kanilang mga sarili ng tamang kaalaman, maging mapanuri, at magdoble-ingat. Ang laban kontra sa mga love scams ay nagsisimula sa pag-unawa sa paradoxical nature ng Pebrero — ang buwan kung kailan ipinagdiriwang ang pagmamahalan pero nangangailangan din ng pagkakaroon ng tamang kaalaman upang maprotektahan ang puso ng mga Filipino mula sa mga manlolokong may digital version na ngayon.

                 *         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …