Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata
DUMULOG sa inyong lingkod ang mga negosyante na umookupa sa tatlong warehouses na nakapuwesto sa Old Sucat Road, sakop ng Barangay San Dionisio, lungsod ng Parañaque upang ireklamo ang mga mobile car, pribadong sasakyan ng mga pulis na ginawang parking lot ang kalsada sa nabanggit na lugar, dahilan kaya nahihirapang makapasok ang mga container van na magbababa ng kargamento sa mga nasabing warehouse.
Ang mga warehouses ay matatagpuan sa likod ng gusali ng Parañaque City Police Station at ilang metro lang ang layo sa mismong Barangay Hall ng Brgy. San Dionisio.
Ang nakatatawa sila pang mga pulis ang lumalabag gayong alam nila na kalsada ang kanilang pinaparadahan. Bulag ba ang mga pulis at wala silang pakialam kahit nakaiistorbo sila?
Isinangguni ng inyong lingkod ang problemang ito kay Brgy. Chairwoman Eva L. Olivarez, wala pang kompirmasyon kung mapagsasabihan ang mga pulis na nagpaparada ng sasakyan.
Sana mahiya naman ang mga pulis dahil mga taxpayer ng lokal na pamahalaang lungsod ang may-ari ng mga warehouse.
Maski ako, kung taxpayer ako, may karapatan akong magreklamo dahil istorbo kayo! ‘Yan minsan ang problema kapag ang unipormadong pulis ay siga.
Sana naman sa Chief of Police ay pansinin at aksiyonan ang problemang ito. Puwede ba Col? ‘Yung iba nga nagbabayad ng parking fee, kayong pulis, libre na istorbo pa?
Sa pamamagitan ni Brgy. Chairwoman Eva L. Olivarez bago pa ito makarating at ireklamo kay Mayor Eric L. Olivarez, kayang-kaya na ito ni Kapitana.
Paging Col. Rey Garduque, aksiyon mo ang dapat! O kaya ay ipahatak sa Traffic Bureau! (30)