IYON pala ang nangyayari, talagang isinara na ang CNN Philippines at ngayon ay isinasauli na ng Nine Media Corporation ang estasyon sa RPN 9 ulit naroon sila umuupa ng facilities. Ang malakas na balita ngayon, kasama ang isa pang malaking business tycoon, mukhang gusto ring kunin ng boss ng TV5ang RPN 9.
Iyang RPN 9 kasi ay may mga established na provincial stations, samantalang ang TV5 itinatayo pa lamang at matatagalan pa. Eh ngayon nagsisimula nang mag-rate ang mga show ng TV5 at kinikilala na silang number two network lalo na nang magsimula sa kanila ang Eat Bulaga ng TVJ na maliwanag naman. Mahina pa ang kanilang transmitting power, wala pa silang maraming provincial relays pero hindi sila malampasan ng Tahanang Pinapasara. Eh kung iyang TVJ ay nakaaabot sa mga probinsiya kagaya ng dati, lalong kakain ng alikabok sa ratings ang mga kalaban. Eh kapag nagsimula na silang pumasok sa RPN 9, tapos na ang laban. Kahit pa mapalitan na ang Tahanang Pinasara, mahihirapan na kung sino man ang makakalaban pa ng Eat Bulaga ng TVJ.
Ginawa na nila ang lahat, matibay pa rin ang TVJ. Iba na nga ang title ng TVJ eh, pero sila pa rin ang hinahanap ng mga tao sa pananghalian. Hindi rin nangyari ang sinabi ng manghuhula sa Quiapo na babagsak sila oras na magkagulo sa show. Aba eh parang lalo pa ngang tumiba eh, at iyong mga Jalosjos na pinagmulan ng problema ang siyang nangalunos. Isa na lang ang hindi nila nagagawa laban sa TVJ, iyong ipagtirik din ng tatlong kandilang itim na hugis tao sa labas ng simbahan ng Quiapo para matalo nila. Pero hindi pa rin eh, ang daming kasamang Dabarkads, tapos nadagdgan pa, dahil malakas ngayon ang dating sa tao ni Atasha Muhlach.
Marami-raming kandila na ang kailangan nila, eh bihira na rin naman ang nagtitinda niyon sa labas ng simbahan. Mas marami pa kaming nakikitang anting-anting na tanso na gawa sa Cavite, at iyong mga nagtitinda ng bato-batong pampasuwerte raw galing sa bundok Banahaw na mukhang pinulot lang naman sa likod bahay.