Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata
NAKAAAWA pero kung minsan nakaaasar na!
Pinagbigyan na noong araw ng Pasko, hanggang New Year celebration, umabot pa ng Three Kings, ngayon gusto naman e hanggang Valentine’s Day?!
Susunod naman ay pasukan daw ng nga anak, walang pang- tuition. Kailan matatapos ang mga dahilang ito ng illegal vendors? Walang Katapusan!
Masyado nang naapektohan ang mga commuters, maging ang mga pribado at pampublikong sasakyan dahil nakahambalang ang mga illegal vendors sa kalsada diyan sa Baclaran Taft hanggang Pasay.
Ang lungsod ng Parañaque ay may solusyon nang itatakda, sisimulan na ang gusali na paglilipatan ng mga vendor. Dapat tapos na ang gusali pero inabot ng pandemic kaya naudlot.
Noon ay P150 milyon ang nakalaang pondo, na posibleng tumaas na dahil nagmahal ang mga materyales.
Ang gusali ay nasa tapat ng Redemptorist Church at ‘di kalayuan sa hagdanan ng ginagawang LRT extension patungong Bacoor, Cavite.
Ang tanong, nakasisiguro ba tayo na hindi magbabalikan sa kalsada ang mga illegal vendors sakaling matapos na ang gusaling paglilipatan?
‘Di ba kaya nga illegal vendors ay ayaw magbayad ng buwis? Gusto ng mga ilegal ay libre!
Dito natin masusubukan ang estratehiyang ito ng Parañaque local government. h paano ang mga ilegal vendors sa Pasay Taft?
Nalaman natin na mismong mga may-ari ng establisimiyento ang nagtitinda sa bangketa. Katwiran nila ‘pag hindi nila inilabas ang kanilang paninda ookupahan ng illegal vendors at matatakpan ang kanilang mga puwesto.
May katuwiran nga naman! Samakatuwid ang legal na vendors ay ilegal na rin. Sabi ng isang may-ari ng puwesto, may business permit siya, sa City Hall nagbayad.
Paano nila kikitain ang kanilang ibinayad na buwis kung ookupahan ng illegal vendors ang harapan ng kanilang puwesto.
Dapat isaayos ‘yan! Kawawa naman ang mga business taxpayers ‘di ba?
***
Nais kong ipaabot ang aking taos-pusong pakikiramay kay P’que City Administrator Voltaire dela Cruz sa pagyao ng kanyang nakababatang kapatid na babae na si Rizalyn dela Cruz. May she rest in peace.