NASAKOTE ang isang miyembro ng gunrunning syndicate na may sentro ng operasyon sa northern area ng Metro Manila matapos salakayin ng pulisya ang pinagkukutaan sa Caloocan City, kamakalawa ng umaga.
Huli ang suspek na itinago sa pangalang Egay, residente at kuta nito ang bahay na tinutuluyan sa Brgy. 176, Bagong Silang ng nasabing lungsod.
Batay sa ulat ni P/Maj. Edsel Ibasco, commander ng Caloocan Police Sub-Station 12 at mga tauhan nito, dakong 9:00 am nitong Sabado nang isagawa nila ang pag-aresto sa suspek.
Nakuha sa nasabing lugar ang isang semi-automatic grease gun na may 10 bala ng kalibre .9mm sa magazine.
Sa kanyang ulat kay Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, sinabi ni Maj. Ibasco, nakatanggap sila ng impormasyon na ginawang kuta ni Egay ang naturang lugar para sa pag-aalok at pagbebenta ng baril.
Kaagad nagsagawa ng paniniktik ang pulisya hanggang makakuha sila ng sapat na impormasyon sa taong personal na nakakikilala kay Egay, pati na ang mga criminal records sa ilang mga korte, na kanilang nagamit upang makapag-apply ng search warrant sa hukuman.
Nang maglabas ng search warrant si Caloocan Regional Trial Court (RTC) Judge Glenda K. Cabello-Marin ng Branch 124 nitong 26 Enero 2024, kaagad isinagawa ng pulisya ang sorpresang pagsalakay na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek at pagkakakompiska sa baril na walang kaukulang dokumento. (ROMMEL SALES)