SWAK na sa kulungan ang isang lalaki na kabilang sa mga most wanted person (mwp) matapos matimbog ng pulisya sa isinagawang manhunt operation sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.
Ayon kay Malabon City police chief P/Col. Jay Baybayan, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Major Jo-Ivan Balberona hinggil sa kinaroroonan ng isa sa mga most wanted person ng lungsod.
Sa pangunguna ni PCMS Edwin Castillo, dakong 1:00 ng hapon, kaagad nagsagawa ang mga operatiba ng WSS ng manhunt operation kontra wanted persons na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusadong si alyas Romy sa Pioneer St., Brgy., Tinajeros ng nasabing lungsod.
Ang akusado ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Malabon City Regional Trial Court Branch 290 Presiding Judge Rosario Gomez Ines-Pinzon noong January 18, 2024, para sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165 Article II Section 11).
Pansamantalang ipiniit ang akusado sa Malabon CPS Custodial Facility Unit habang hinihintay ng pagpapalabas ng commitment order mula sa korte. (ROMMEL SALES)