SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
BINATANG-BINATA na ang bunsong anak nina dating QC Mayor Herbert Bautista at Tates Gana, siHarvey Bautista at bida na sa bagong seryeng Zoomers.
Nakatutuwang mula sa pagiging Goin Bulilit mainstay ni Harvey heto at magbibida na sa pinakabagong youth-oriented series ng ABS-CBN Studios na Zoomers na mapapanood simula Lunes (Enero 22). Makakasama niya rito at makakapareha ang magandang dating PBB housemate na si Criza Taa na matapos nilang mapagtagumpayan ang madugong auditions at mapabilib ang tatlong kilalang direktor ay mapapanood na sila.
Mula sa 18 Star Magic artists, sina Harvey at Criza ang napiling gumanap bilang Jiggs at Hope nina ABS-CBN Star Magic and TV production head Laurenti Dyogi, blockbuster film director Theodore Boborol, at He’s Into Her director Chad Vidanes.
Makakasama nina Harvey at Criza ang tatlo pang nakitaan din ng tatlong director ng talento at potensiyal na sina dating YeY star Luke Alford, ang commercial model na si Ralph de Leon, at ang dancer na si Krystl Ball para kumpletohin ang mga main character ng serye.
Iikot ang kuwento ng Zoomers sa barkada nina Jiggs (Harvey), Hope (Criza), Kokoy (Luke), Atom (Ralph), at Tania (Krystl) na nabuo noong kasagsagan ng pandemya. Sa kanilang pagsabak sa buhay matapos ang pandemya, samahan ang kanilang barkada sa kanilang pagtuklas sa kanilang mga sarili at kung paano masusubukan ang kanilang pagkakaibigan sa pagdaraanan nilang mga pagsubok.
Ani Harvey sa isinagawang mediacon noong Lunes sa Dolphy Theater, hindi niya sasayangin ang pagkakataong ibinigay sa kanya nina Direk Lauren, Direk Ted, at Direk Chad.
“Big deal ito para sa akin. Ito ‘yung first project ko with a partner. May kaba ng kaunti and excitement. It is something that I’ve been waiting for, and it’s something that I’m thankful for. I want to make them proud. I want to make the bosses proud,” anang binata.
Ayon naman kay Criza, gagawin niya ang lahat ng makakaya para mabigyan-buhay ang kanyang role.
“Ito ‘yung first bida role ko under Star Magic at ABS-CBN ‘yung may hawak. Tumatak sa akin na I’m so grateful and thankful na pinagkatiwalaan nila ako sa ganitong role. Ang number 1 na maipapangako ko is ibibigay ko ‘yung 199% sa character ko. Isasabuhay ko si Hope,” aniya.
Sobra rin ang pasasalamat ng mga baguhang artista na sina Luke, Ralph, at Krystl sa oportunidad na mapanood sa isang seryeng tatalakay sa mga pinagdaraanan ng mga kabataan ngayon.
Ang Zoomers ay idinidirehe ni Vidanes at isinulat nina Charisse Bayona at Michael Transfiguracion.
Abangan din sa serye sina Luis Vera Perez, Kei Kurosawa, Erika Davis, Hadiyah Santos, at Zabel Lamberth.