MA at PA
ni Rommel Placente
MALAKI ang pasasalamat ng mga bida ng Pira-Pirasong Paraiso na sina Loisa Andalio, Charlie Dizon, Alexa Ilacad, at Elisse Joson, sa mga papuri ng mga manonood para sa kanilang serye na umiigting ang mga eksena para sa huling dalawang linggo.
Kasama sa nasabing serye si Rosanna Roces, sa papel na isang kontrabida. Puring-puri niya ang apat na young actress.
“Noong unang araw ko (sa PPP)ang maririnig ko sa mga ‘yan, lalo na si Charlie, nakakatakot ‘yung mata,” ang natatawang sabi ni Osang sa finale media conference ng PPP.
Singit ni Charlie na natatawa nang marinig ang sinabi ni Osang, “Sabi ko, nalulunod po ako sa mga mata ni Miss O, kasi kami ‘yung unang magka-eksena noong unang araw ni Miss O (sa taping). Tapos pawis na pawis po ‘yung kamay ko. So, tinuruan ako ni Miss O na maglagay ng deodorant sa kamay.
Sabi niya, ‘anak eto ‘yung bibilhin mo, ilalagay mo ‘to. Ganyan din ako noong bata, kabang-kaba rin ako,’” ani Charlie.
Patuloy ni Osang, “Pero sabi ko nga, kung may natututunan sila sa amin (mga senior star na kasama sa PPP), may natututunan din kami sa kanila.’Yung kaba nila sa akin. I will make sure na sa mga susunod na eksena, wala na ‘yun. Ganoon! Maririnig na nila ‘yung tawa ko ng malakas.
“Tapos lagi kong sinasabihan sila na huwag kayong mahiya na mamulot ng akting sa mga senior. Kasi ‘yun din ang ginagawa ko sa mga.. kagaya sa mga Brocka babies na nakatrabaho ko, gaya nina kuya Ipe (Phillip Salvador) at Bembol (Rocco).”
Ang Brocka na tinutukoy ni Osang ay ang namayapang multi-awarded director na si Lino Brocka.
“Kay Elisse, naikwento ko, ‘yung tingin ng tatlong ganoo , sabi ko, ‘yan, napulot ko ‘yan kay kuya Ipe, na turo ni Brocka. Parang ‘yung turo ni Brocka, nakukuha mo na rin. Para ka na ring naturuan niya.
“Eto nakuha ko kay John Lloyd Cruz,’yung umiiyak na nakatingin sa itaas. ‘Yung parang nakikiusap sa Diyos. Sinasabi ko sa kanila ‘yun, na napulot ko ‘yun sa mga mas bata sa akin.”
Pagkatapos ikuwento ni Osang ang mga nakuha niyang tips sa pag-arte kina Ipe at Lloydie, ang sumunod na ay ang pagpuri niya kina Elisse, Alexa, Charlie, at Loisa.
“Si Elisse ang ganda ng nakikita ko sa batang ito, kasi pwede siyang bida-kontrabida. At ang sarap niyang paglaruan. Kasi pwede mong kawawain. Pwede rin ‘yung siya naman ang nangangawawa.
“Si Charlie, pinatunayan niya sa akin kung bakit siya Best Actress noon sa MMFF. Kasi noong nanalo siya, ‘sino yun? Sino ‘yung Charlie Dizon? ‘ Ganoon ‘yung mga reaction.
“Noong naka-work ko na siya, ‘ay kaya pala!’
“Si Alexa naman, ganoon din. Kahit huwag mong pagsalitain ‘yan, ‘yung mga mata niya nangungusap.
“At siyempre, si Loisa, na napaka-professional. Sinasakal ko siya (sa eksena), kung nasaan ‘yung ulo niya, roon sa mabato-bato. Tinatanong ko siya, ‘anak nasasaktan ka ba? Nasasaktan ba kita?’ ‘Hindi tita, sige, ituloy mo lang,” natatawang kwento pa ni Osang.
“Ako ‘nung araw, medyo,’aray! ano ba ‘to? May bato! ? Siya talaga wala! Wala siyang ganoon
.
“Kung ano ‘yung hinihingi ng eksensa, ‘yun ang ibinibigay niya,” papuri pa ni Osang kay Loisa.
Tutukan ang Pira-Pirasong Paraiso, Lunes hanggang Biyernes, 2:00 p.m. at kada Sabado, 3:00 p.m., sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, Kapamilya Online Live, iWantTFC, at TFC.