Saturday , November 16 2024

Ang mga nag-uudyok sa Cha-cha

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

KASING ingay ng mga paputok na umalingawngaw sa pagsalubong sa Bagong Taon, bigla na lang sumabog sa ating harapan ang Charter change o Cha-cha; at obligado na tayo ngayong busisiin ang kaduda-dudang mga katuwiran na inilalatag ng mga nagsusulong na baguhin ang halos apat-na-dekada nang Saligang-Batas.

Sabagay, tayo rin naman ang magpopondo sa P14 bilyon na maingat na naisingit ng ating mga kongresista sa 2024 budget para sa layuning ito.

Academically, kinuwestiyon ng nagbitiw na finance undersecretary ni Pangulong Marcos, si Cielo Magno, ang pangangailangang amyendahan ang Konstitusyon, partikular ang kahina-hinalang sinasabi na para raw iyon pahintulutan ang mga dayuhang mamumuhunan na magmay-ari ng lupa sa bansa, na makatutulong daw sa pag-unlad ng ating ekonomiya.

Ikinompara sa sitwasyon ng Vietnam, ang papaunlad na kalapit-bansa natin sa ASEAN, ibinunyag niyang uubrang magkaroon din tayo ng parehong matagumpay na dayuhang pamumuhunan kahit hindi baguhin ang ating batas. Ang mga pangunahing humahadlang, aniya, sa pamumuhunan ng mga dayuhan sa Filipinas ay ang kultura ng korupsiyon, kakulangan ng akmang business practices, mababang kalidad ng edukasyon, at kakapusan sa importanteng mga impraestruktura — walang alinman sa mga ito ang nakasalalay sa pagmamay-ari ng lupain ng mga dayuhan.

         Naghuhumiyaw pa rin ang katanungan: Bakit ba aligaga ang gobyerno na amyendahan ang Konstitusyon gayong ang mga umiiral nating batas, gaya ng Public Service Act at mga circular ng Department of Energy, ay nagbigay-daan na sa dayuhang pamumuhunan nang hindi naman kinailangang baguhin ang Konstitusyon?

P14-B prayoridad na wala sa lugar

Sa puntong ito, hindi ko maintindihan kung bakit nagagawa ng mga tulad ni Speaker Martin Romualdez na bigyang katuwiran ang nakalululang P14 bilyon na inilaan para sa Cha-cha. Sa gitna ng nangungulelat nating edukasyon, problema sa pangangalagang pangkalusugan, problemadong sektor ng transportasyon, at maraming iba pa, ang paglalaan ng nasabing pondo para sa Cha-cha ay tunay namang nakagagalit.

Ang apurahang pagpapasa ng Kongreso at ng administrasyong Marcos sa budget na ito ay nagbubunsod ng mga katanungan tungkol sa responsableng paggastos at tamang pagtukoy sa mga prayoridad. Ang nasabing halaga ay mas dapat gamitin sana sa pagtugon sa mas mahahalagang bagay, gaya ng pagpapabuti sa edukasyon at pangangalagang pangkalusugan, at pagpaparami ng impraestruktura.

Maling ad ng Cha-cha

Nariyan pa ang isyu sa TV ad na tinatawag na “EDSA pwera,” nagresulta sa kontrobersiya dahil hindi totoo at malinaw namang partisan ang agenda nito. Tama lang na umapela ng imbestigasyon ang minorya ng Kamara de Representantes para alamin kung saan nanggaling ang pondo ng naturang kampanya. Iginigiit ng House Resolution No. 1541 na linawin kung nagmula ba sa pondo ng gobyerno o hindi ang ginastos o kung may impluwensiya ba ng mga dayuhan ang planong baguhin ang Saligang Batas para sa kanilang kapakinabangan.

Ang ad ay ginastusan daw ng Gana, Atienza, Avisado Law Office, na kombinyenteng ginamit na lusot ang Konstitusyon para raw resolbahin ang mga problema ng bansa. Ipinahihiwatig ng ad ang kaugnayan ng mga probisyon ng Saligang Batas sa mga usaping tulad ng korupsiyon at kahirapan. Itinanggi naman ng People’s Initiative for Modernization and Reform Action (PIRMA) na pera ng taumbayan ang ginamit sa ad pero ikinataas ng kilay ng marami ang pagtuturo sa law offices bilang nagpondo sa kampanya.

Ang malala pa, ang kampanya sa pangangalap ng pirma sa mga barangay sa Luzon ay may kapalit umanong ayuda at regalo, na lalong nagbigay ng impresyong kaduda-duda ang pagiging lehitimo ng nasabing Cha-cha movement. Ang panlolokong nakakulapol sa kampanyang ito ay naglagay sa alanganin sa tunay na kahulugan ng “people’s initiative” at nag-anyaya ng pagdududa sa kung ano ang nag-uudyok sa likod ng pag-aamyenda sa Konstitusyon.

Duda ang maraming netizens, na ipinagbabandohan sa social media ang kanilang pagsususpetsa, na ang kampanyang ito ay nakatuon lamang sa dalawang bagay — pagpapalawig sa termino ng mga halal na opisyal at pagpapalabas na ang Konstitusyon ay isang mapanganib na bunga ng People Power revolution na nagpatalsik sa diktador na ama ng kasalukuyang pangulo.

*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …