HATAWAN
ni Ed de Leon
HINDI raw kaya malimitahan ang takbo ng pagiging aktres ni Vilma Santos ngayong ang asawa niya, si Secretary Ralph Recto ay may hawak ng isang napakataas na posisyon sa gobyerno (Department of Finance)? Ang sagot namin diyan ay hindi.
Iba naman ang propesyon ni Ate Vi at bago pa man sila naging mag-asawa ay talaga namang artista na siya. Isa pa, ang posisyon ni Sec Ralph ay walang masasabing conflict of interest kung sakali man at artista si Ate Vi. Napakalayo ng showbusiness sa usapin ng pananalapi.
Isa pa, palagay namin ay hindi talaga question iyan. Hindi naman ngayon lang siya humawak ng ganyang cabinet post. Kung natatandaan ninyo si Sec Ralph ay humawak na rin ng posisyon bilang director general ng National Economic Development Authority o NEDA noong panahon ni Presidente Gloria Macapagal Arroyo, at iyon ay katumbas na rin ng isang cabinet post pero hindi naman iyon naging problema sa pagiging isang aktres at politician pa rin noon ni Ate Vi. In fact, maaari nga sigurong mag-compliment ang kanilang mga trabaho. Si Ate Vi bilang isang sikat na aktres ay mabilis na makakapagpaabot sa bayan ng mga impormasyong mahalaga para sa pagpapatibay ng ating ekonomiya at pananalapi ng bansa. On the other hand, baka naman makatulong si Sec Ralph sa matagal nang hinihiling ng mga taga-industriya ng pelikula na matulungan naman sila na mabawasan ang napakalaking tax na isinasampal ng gobyerno sa industriya, although iyan ay dapat na maging isang batas na magsisimula sa Kamara, dahil lahat ng tax measure ay dapat na sa Kamara manggaling.
Pero siguro kung ang secretary of finance nga ay magiging sympathetic sa industriya mas mabilis na makukumbinsi ang mga congressman na magpanukala ng tax reduction bill sa pelikula at kung mangyayari nga iyan hindi ba napakagandang pagtutulungan naman iyan na pakikinabangan ng buong bayan? Tiyak na kung bumaba ang tax, bababa rin ang singil ng mga sinehan na mas maraming taong manonood ng sine at kung mangyayari iyon baka mas malaki pa ang kitain ng gobyerno sa taxes. Hindi nga lamang nila napag-aaralan nang husto iyan eh na sana mapag-aralan nga ngayon sa pangunguna ni Sec Ralph.
Sa parte naman ni Ate Vi, mukhang gusto na niya ang matahimik at mas madaling buhay kaya gusto na niyang balikan ang showbusiness dahil mas relaxed kaysa nasa politika siya.