MUKHANG nagising na rin sa katotohanan maski ang mga namumuno ng MMDA (Metropolitan Manila Development Authority) na talagang hindi kikita ang mga pelikulang indie, kaya iyong kanilang Summer Film Festival na karaniwang target ng mga pelikulang na-reject sa MMFF (Metro Manila Film Festival) at mga gumagawa ng indie ay hindi na raw nila itutuloy sa taong ito. Ang sinasabi nila, kailangan nilang paghandaan ang ika-50 MMFF na gaganapin din sa Disyembre. Kasi kung kumita nang mahigit na P1-B ang MMFF sa taong ito, kailangan lampasan iyan ng 50th year nila.
Pero siguro kailangang aminin ng MMFF na ang naging tagumpay nito sa taong ito ay dahil sa private effort, hindi sa kanila. Wala naman silang bagong ginawa eh. Pero biglang nag-promote nang husto sina Vilma Santos at Boyet de Leon ng kanilang pelikulang When I Met You in Tokyo at nag-advance tickets selling sa mga sinehan.
Nakita iyan ng ibang mga artista at sumunod na rin sila dahil baka matabunan ang pelikula nila kung hindi nila gagawin iyon. So, iyong nagkakaisang effort ng mga artista at producers ng pelikula ang dahilan kung bakit nakumbinsi ang mga taong manood muli ng sine.
Bukod doon, mahusay ang pagkakapili nila ng film entries, wala na iyong mga pelikulang walang box office stars sa cast, maliban nga lang sa isa na lumabas na siyang bottom holder sa festival, dahil sila rin ang walang masyadong promo kundi sa internet lang. Napatunayan na kung gusto ng mga tao ang panoorin nilang pelikula handa silang pumila at magbayad sa mga sinehan. Kaya lamang nalugi ang festival noong mga nakaraang panahon ay nang hayaan nilang makapasok ang mga indie na ayaw namang panoorin ng mga tao kaya may pelikula mang kumita mayroon namang nabalolang sa takilya kaya ang resulta wala pa rin ang festival.
Pero kung ganyan pala na lahat ng pelikula ay kikita isipin ninyong hindi man nila inaasahan ay lumampas pa sa P1-B ang kabuuang kita nila sa taong ito.
Kung ganyan nga namang maliwanag na ang katotohanan bakit pa sila gagawa ng mga proyekto na hindi naman pala gusto ng mga tao. Noon kasing nakaraang panahon, napaniwala sila na mas maganda ang mga pelikulang indie na nananalo pa umano ng awards sa ibang bansa, tapos dito ay ayaw lang ipalabas sa mga sinehan. Naniwala sila sa mga nag-iilusyon na dapat daw na itaas ang kaisipan ng masa at mangyayari lang iyon kung tatangkilikin nila ang mga indie. Eh ilang beses ba nilang sinubukan, pati nga ang MMFF mismo ay tumaob nang lagyan nila ng mga indie. Ngayon finally nagising na sila sa katotohanan na iyang mga indie ay hindi nga commercially viable hindi dapat ipilit ang mga iyan sa malalaking sinehan, dapat diyan ay ilabas lang sa maliliit na sinehan. O kaya kung may special screening lamang at babayaran ng organizer ang sinehan, para hindi naman malugi ang mga iyon sa kanilang pelikula. Kung kami rin naman ang may-ari ng sinehan, ‘kung gusto ninyong ipalabas ko ang indie ninyo, bayaran ninyo ang full capacity ng sinehan ko araw-araw at walang problema.’ Dahil kung walang manonood, bukas man ang sinehan nila tipid sila sa aircon, sa linis at iba pang gastos. Mas kikita ang sinehan basta babayaran ng magpapalabas ng indie ang kanilang full capacity.
`
Wala na rin daw Pista ng Pelikulang Pilipino ngayong taong ito dahil hindi iyon kasama sa budget ng FDCP (Film Development Council of the Philippines). Naisip na rin siguro ni FDCP Chairman Tirso Cruz III na iyon ay pagtatapon lamang ng pera ng bayan dahil wala talagang gustong manood ng indie. Eh sa tagal na ni Tirso sa industriya, na ang karanasan naman sa pelikula ay napakalawak, hindi siya papasok sa alanganing proyekto talaga.
Iyon namang nakaraang administrasyon, naiintindihan naming dahil ang chairman noon ng FDCP na si Liza Dino ay isang indie actress, at maliban doon ay wala na siyang naging involvement sa film industry bago siya naging chairman ng FDCP.