HATAWAN
ni Ed de Leon
NATAWA kami sa kuwento ng isang takilyera sa amin, ang dahilan daw kung bakit naungusan sa kita ng ibang mga pelikula ang When I Met you In Tokyo nina Vilma Santos at Boyet de Leon ay dahil karamihan ng nanonood sa kanila, mga senior citizen. Ibig sabihin, discounted sila sa mga sinehan. Kung ang bayad ng iba ay nasa P310 o higit pa, sa kanila ay nagiging P260 na lamang.
Sabi nga nila, “kung walang senior citizen’s discount sa festival, panalo ang pelikula dahil ang benta ng tickets ay halos pareho lang eh, mas mura nga lang lumalabas iyong sa kanila. Pero isipin naman ninyo kung hindi ganoon ang pelikula nila, kawawa naman iyong mga nakatatanda na wala nang mapapanood na pelikula. In fact, sa buong festival ay ngayon lang nagkaroon ng pelikulang ang tinalakay ay ang buhay ng mga senior citizen at naka-identify din ang mga matatanda dahil noong araw pa ay fans na sila ni Vilma.
“Paglabasan nga nila sa sinehan, ang maririnig mong kuwentuhan nila ay hindi lamang tungkol sa ‘When I Met You in Tokyo,’ kundi maging ang mga pelikula noon ng dalawa ng nakaraang panahon na napanood nila. At naikikukompara nila ang ‘When I Met You in Tokyo’ sa mga naunang VIlma-Boyet movies.”
Ang tanong, kung pare-parehas nga lang ang bayad sa sinehan, hindi nga kaya makaabante rin ang pelikula ni Ate Vi sa gross records?
O huwag nang humirit pa ang may pelikulang ipalalabas na isang screening lamang sa isang araw sa isang sinehan na 40 lang ang maaaring manood. Hanggang ngayon kasi ay tinatangihan pa ng mga malalaking sinehan ang pelikula na sa tingin naman nila ay hindi kikita. Sayang sarado na ang Baron Theater sa Espana o iyong sine Katubusan sa tondo. Sarado na rin ang sinehan sa kamuning at ang sinehan sa Paco. Sarado na rin ang Cine Vida sa Pedro Gil at ang Sine Tejeron. Kung bukas lamang sana ang mga sinehang iyan, baka mailabas pa ang pelikula nila ng
simultaneous doon sa mga iyon.
Kung sa bagay, may suggestion din. Bakit daw kaya hindi nila subukan ang Dilson Hollywood at Baclaran Cinema na paborito ng mga bading, baka puwede roon ang pelikula nila. Tiis nga lang sila sa mga surot.