HATAWAN
ni Ed de Leon
HINDI na rin nakapagpigil si direk Joey Reyes na isa sa mga hurado sa nakaraang Metro Manila Film Festival (MMFF) sa ikinakalat ng ilang grupong maaaskad ang mukha at nag-aampalaya, na nagkaroon daw ng lakaran at pamumolitika sa kanilang awards.
Hindi na nga isinali ni Joey ang kanyang sarili, ang sinabi na lang niya eh “Mabibili ba ninyo si Chito Rono? Makukuha ba ninyo sa lakad si Lorna Tolentino?” Ang dalawa kasi ang co-chairmen ng board of jurors ng nakaraang MMFF at ang mga hurado ay binubuo rin naman ng mga taong hindi matatawaran ang integridad. Pero alam naman ninyo ang mga nag-aampalaya simula pa noong una, lahat talaga ng maisip ng mga iyan may basehan man o wala iyon, ang igigiit nila.
Nagsimula iyang mga bashing na iyan wala pang award. Hindi pa nga nagsisimula ang festival. Noon pa lamang may mga pelikulang na-reject sa festival may mga ampalaya na. Nagagalit sila roon sa sinasabing kailangan ng pelikula ng commercial viability. Eh kung wala bang commercial viability ay kikita nang ganyan kalaki ang festival? Pipilahan ba ang mga pelikula? Bago ang festival, balibag ang lahat ng mga pelikulang Filipino sa takilya nagkaroon lamang ng manonood noong festival na. Hindi ba dapat ikatuwa natin iyan dahil nakita natin kung anong klaseng mga pelikula nga ba ang gusto ng mga tao.
Nakita rin natin, kagaya nga ng sinabi ni John Lloyd Cruz, “ang pelikulang dapat nating gawin.”
Iyong hindi kailangan ang acting na puro hysterical, ang kailangan ay iyong tumatagos sa puso. Kailangan ay iyong nauunawaan ng mga manonood. Iyong paglabas mo ng sine alam mo kung ano ang dapat mong tahaking buhay.
Pero alam naman ninyo ang mga ampalaya, lalo na’t nasasabayan pa ng tuyo at tinapa, aba eh katuwirang talipapa nga ang lalabas sa mga iyan. Hindi naman lahat ng nasa talipapa ganyan, marami rin namang disenteng nagtitinda sa talipapa. Iyon ngang mga tindera riyan nakita mo nagtitiktok na rin eh. Pero mayroon talagang mga taong mapait ang pananaw sa buhay, na minsan tuloy matatanong mo bakit nga ba nabubuhay pa sila kung puro kapaitan ang nakikita nila. Eh ang ganda ng buhay.
Kung sa bagay kasi kami iyong mababaw lang ang kaligayahan basta may sinangag na maraming bawang at pritong tuyo sa umaga ayos na ang araw namin. O kaya may mainit na pan de sal, kesong puti, at matapang na kapeng batangas ay solved na kami kahit na maghapon pang iyon ang kainin.
Isa pa, ang paniwala naming iyang ampalaya dahil gulay iyan kinakain iyan at inilalagay sa sikmura. Hindi inuugali ang ampalaya.