SIPAT
ni Mat Vicencio
ANG bilis ng mga pangyayari, at sa isang iglap, nalantad na lamang si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na wala nang bertud, wala nang galing at maituturing na isa na lamang pangkaraniwang mamamayan.
Walang nangingilag, walang natatakot at maging sino man ay kayang palagan si Digong.
Nagsimula ang lahat nang sibakin ang 2024 proposed confidential funds ni Vice President Sara Duterte na nagkakahalaga ng P650 million na nagresulta para magalit si Digong at tawaging ‘bulok’ ang Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sa ginawang pambabalahura ni Digong sa Kamara, tuluyan nang nalantad ang gera sa pagitan ni House Speaker Martin ‘Tambaloslos’ Romualdez at ng makapangyarihang pamilya ng Duterte.
Mekus-mekus na nga ang nangyaring away ng matitikas na politiko sa Filipinas. Nariyan ang maghain ng House Resolution 1414 ang mga kongresista na kumokondena kay Digong at ang petisyon sa Supreme Court para ideklarang unconstitutional ang ‘secret funds’ ni Sara.
Kasunod nito, lumutang na rin sa Kamara ang usapin ng pagsasampa ng impeachment case laban kay Sara at ang naunang kasong inihain ni ACT Rep. France Castro na grave threat laban kay Digong.
At bukod sa hindi pakikialam ni PBBM sa kaso ni dating Senator Leila De Lima na makapaglagak ng bail para sa pansamantalang kalayaan, marami ang nagulat nang sabihin ng pangulo na pinag-aaralan at ikinokonsidera ng kanyang pamahalaan ang muling pagbabalik ng bansa bilang miyembro ng International Criminal Court o ICC.
Pati si PBBM ay tuluyang kumambiyo at todong kinampihan ang kanyang pinsang si Tambaloslos sa away laban sa mag-amang Sara at Digong. Kung matatandaan, mismong si PBBM ang nagsabi noong Hulyo na hindi makikipagtulungan ang kanyang pamahalaan sa ICC sa ginagawang imbestigasyon sa war on drugs ng dating administrasyon ni Digong, pero bakit bigla itong bumaligtad?
Parang hilong-talilong si Digong, bugbog sarado at hindi alam kung saan nanggagaling ang bawat suntok na kanyang tinatanggap mula sa mga kakampi at kaalyado ni Tambaloslos. Nabigla si Digong at hindi niya inakala na marami na ang hindi masisindak sa kanyang pananakot at marami na ang pumapalag sa kanya ngayon.
Parang basang sisiw si Digong. Ang dating mabalasik na agila noon, ngayon ay pipit na lang. Sabi nga ni Babalu… wag po, wag po. Hindi po…