HATAWAN
ni Ed de Leon
MAGING ang board member ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na si direk Tony Reyes ay tuwang-tuwa sa nakita niyang pagbabalik ng mga tao sa panonood ng sine. Nagulat siya na hanggang sa ikalawang linggo na ng festival ay pila pa rin ang mga tao, ganoong noong nakaraang buwan lamang wala halos nanonood ng sine.
Nangyari naman iyan sa pagtutulungan ng lahat. Puro magaganda at makabuluhang pelikula ang isinali nila sa festival. Maliban sa isa na puro malalaking artista rin ang stars ng mga pelikula, at iyon ang hinahanap ng mga tao kaya nanood sila.
Kumilos din ang mga star, nanguna sina Vilma Santos at Boyet de Leon dahil sa kanilang advocacy na mapabalik ang mga tao sa sinehan. Sumugod sila sa mga mall tour at nagbenta ng advance tickets sa mga sinehan at natural dahil naroroon sila, maraming bumili ng tickets. Ginaya naman iyon ng ibang mga artista kaya dumami ang nanonood ng pelikula.
“Nakakaiyak sa tuwa,” ang nasabi na lang ni direk Tony. SI Direk Tony ay director ng napakaraming pelikulang naging top grosser sa festival, siya ang director ng maraming pelikula ni Vic Sotto noon na naging top grosser sa festival, at maging ang mga pelikula ni Joey de Leon na naging malalaking hits sa takilya.
Ngayon medyo hands off nga muna si direk Tony sa mga pelikula dahil member siya ng MTRCB.
Hindi naman ipinagbabawal sa mga miyembro ng MTRCB na gumawa ng pelikula, pero medyo umiiwas siya para maiwasan na nga ang masasabi ng iba. Bukod pa nga sa katotohanang noong mga nakaraang araw, ang mga pelikula ay puro tinipid na indie kundi man mahalay, na ayaw naman niyang gawin.
Pero ngayon napabalik na nga ang mga tao sa sine, at sana ay magtuloy-tuloy na.