SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
KALUNOS-LUNOS pala ang nangyari sa dating sexy na si Brandy Ayala. Si Brandy ay sumikat noong dekada 80 at isa sa “Liquor Beauties” na alaga ng yumaong talent manager na si Rey dela Cruz.
Maraming alaga noon si Rey na ang mga pangalan ay isinunod sa mga sikat na inumin. At isa nga si Brandy na nakilala dahil bukod sa maganda, matapang din magpakita ng kahubdan.
Nawala sa showbiz si Brandy at wala na ring nabalitaan pa ang publiko sa nangyari sa kanyang buhay. Hanggang kamakailan, lumabas ang balitang nalulong sa ipinagbabawal na gamot si Brandy at nagkaroon ng problema sa mental health.
Napag-alaman naming nagpakalat-kalat na lang sa kalye at kumakain ng mga tirang pagkain sa basurahan ang dating sexy star. Na bagamat ganito ang ginagawa ay hindi pala iniwan ang lugar na kinalakihan at doon lamang pagala-gala.
May kung ilang beses na rin palang ipinagamot si Brandy ng kanyang pamilya pero bumalik-balik pa rin ito sa kanyang bisyo.
Mabuti na lamang at may isang foundation/grupo ang tumulong sa dating sexy star para maisaayos o maipagamot si Brandy. Ang tinutukoy namin ay ang UDrive Group of Coaches na humanap at nag-rescue kay Brandy para madala ito sa isang rehabilitation center.
Sa isinagawang presscon kamakailan, ipinanood sa amin ang isang documentary film ni Brandy, ang Brandy Ayala: Ang Lihim na Katotohanan, edited and arranged by Javi Manuel, anak ng dating aktres na si Cheenee de Leon na anak naman ni Joey de Leon.
Sa docu film ay ipinakita kung paano ini-rescue ng UDrive Coaches na kinabibilangan nina Arra Dino, Sheena Valencia, Poy de Lara, at Rowi Rizala si Brandy na payat na payat, marungis, ‘di kumakain. Malayong-malayo sa hitsura niya noong nakilala sa showbiz.
Sa ngayon ay 58-anyos na si Brandy.
Kitang-kita sa hitsura ng sexy star ang masamang naging epekto ng droga sa katawan at pag-iisip nito. Hindi na siya makausap ng maayos at mahirao nang maka-konek sa mga tao.
Kaya naman agad kumilos ang UDrive team para madala sa isang rehabilitation center sa Cebu.
Kahanga-hanga kung paano ang ginawang proseso ng UDrive para madala si Brandy sa rehab. Una’y nakipag-coordinate muna sila sa pamilya ni Brandy para makatulong nila sa pakikipag-ugnayan sa dating sexy star. Walang pagpipilit na ginawa ang grupo dahil kinausap din nila si Brandy. Kaya naman si Brandy na rin mismo ang kusang sumama sa kanila at nakita namin ang kagustuhan nito na magamot at makalaya sa ipinagbabawal na gamot.
Noong Dec. 4 dinala si Brandy sa Cebu at mananatili ito sa rehabilitation center sa loob ng ilang buwan, depende sa healing progress nito.
Sa ngayon ay nagpapakita na ng improvement ang dating sexy star at umaasa ang grupong tumulong na maka-recover na rin ito in due time.
Isinusulong at adbokasiya ng UDrive Coaches ang trauma-informed care at tulungan ang ating mga kababayan na maka-recover sa trauma and addiction, providing a holistic approach to mental health care and recovery.
Sa mga gustong humingi ng tulong sa UDrive Coaches, mag-log in lamang sa kanilang Facebook page.