SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
PRESENT ang kani-kanilang asawa nina Derek Ramsay at Beauty Gonzalez sa ginanap na premiere night ng pelikulang pinagbibidahan nila, ang Kampon, Metro Manila Film Festival 2023 entry ng Quantum Films.
Nakatutuwang pagmasdan sa itaas ng sinehan na magkakatabi ang apat. Katabi ni Beauty ang mister niyang si Norman Crisologo at si Derek ay ang misis niyang si Ellen Adarna. Full support talaga ang mga asa-asawa nina Derek at Beauty sa kanila kahit pa may mga eksenang sabi nga ay pwedeng pagmulan ng selos.
At pagkatapos ng screening nagkaroon ng mediacon at doon naihayag ni Derek ang naging reaksiyon ni Ellen ukol sa intimate scenes niya kina Beauty at Zeinab Harake. Ani Derek, tinutukan ni Ellen ang naturang eksena at wala naman iyong violent reaction, kundi kurot.
“Ellen has no problems will all of that. We were holding hands lang all throughout the movie medyo lumalabas-labas lang siya ng sinehan dahil mahilig umihi ‘yan, eh,” anang aktor. “Medyo may pakurot-kurot lang,” natatawang sabi pa ni Derek.
Inamin naman noong una ni Derek na medyo “stressful” ang intimate scene nila ni Beauty dahil bestfriend nga ito ni Ellen. Pero nilinaw nitong hindi naman ganoon kagrabe ang naturang eksena at totoo naman dahil wholesome ang napanood namin. Kiss and magkatabi lang sa kama.
Ang sinabing wild na scenes ni Derek ay ang sa kanila ni Zeinab pero naitawid naman nila na hindi pagseselosan ni Ellen. Very supportive pa nga raw sa kanya ang asawa.
“Alam naman niya na professionals lang kaming lahat. And wala namang problema kay Ellen,” sabi pa ni Derek.
Sinabi naman ni Zeinab na, “noong unang lumabas po ‘yung scene (intimate scene) namin ni Sir Derek, akala ko ‘yun na ‘yun eh. Napa-‘yes’ pa ako noong una kasi akala ko ‘yun lang talaga. Nakahinga ako.
“Pero ‘yung ikalawang part na po ng scene ipinakita na lahat, wala namang na-cut. Siguro po pinili lang nila talaga yung may angle ng kamera, so far andoon naman lahat, iyong mga untugan, kagatan. And tulad ng sabi ni sir Derek lahat po kami rito ay naging professional and happy po ako na nagawa ko ng maayos ‘yung part ko.”
At bilang baguhan, pasadong-pasado si Zeinab sa kanyang ginampanang karakter lalo sa unang eksena na lumuha sa left side. Inamin naman niyang iyon ang pinakamahirap niyang nagawang eksena.
“‘Yun po ‘yung pinakamahirap isang luha. ‘Yung naka-harness din ako grabe ‘yung hilo, ‘yung sakit and ‘yung pinaka-eksena mo kung paano ang hitsura mo kapag namatay ka. Kaya ko rin po tinanggap ang Kampon dahil gusto ko makakita ng kakaibang Zeinab at tingin ko naman po nakita ko si Loreta (karakter na ginagampanan niya) at hindi si Zeinab. Nagampanan ko ng maayos ang gusto ng direktor,” sabi ni Zeinab.
Niloko si Zeinab kung gumamit ba siya ng Eye-Mo para sa luha at itinanggi niya. Aniya, “actually maraming luha iyon ang sinabi lang talaga nila eh gusto nila isang luha lang. Ayaw daw nila ng iba.”
Na na-achieve nga ni Zeinab kaya nasabihan itong mala-Nora Aunor ang naging acting.
Emosyonal naman noong gabing iyon si Beauty dahil aniya, “I’m always a cry baby. Siyempre this is my first MMFF and I’m very thankful to Atty. Joji for making my dreams come true. And also my manager for pushing me to do this.
Inamin ni Beauty na takot siya na gawin ang Kampon. “I’m realy scared to do this (Kampon). So sabi ko sige I’ll do it. I’m very lucky na I’m blessed with the very talented co-actors who took care of me.
“I’m just so lucky and blessed to be here and of course my family is here, my husband is here, my friends are here. It’s nice na finally they got to see what I’m doing and nakakakilig to see myself on the big screen, I’m just lucky to be here.
“Ang daming magandang pelikula ngayon ang daming magandang choices pero sana unahin ninyo ang ‘Kampon.’ To be part of this festival is amazing,” nanginginig pang sabi ni Beauty.
Sinabi naman ni Derek na nangapa siya sa muling pag-arte sa harap ng kamera. Matagal-tagal din kasing hindi gumawa ng serye at pelikula ang aktor kaya naman sinabi nitong nanibago siya. Pero base sa napanood namin, hindi namin iyon nakita (nanibago) at naroon pa rin ang galing niya.
Ani Derek, “Parang ang hirap maging Clark (ginagampanan sa Kampon), ang sama ng buhay niya, ang daming issue. This is unknown territory for me, because it’s hard and sabi nga ng mom ko, ‘kakaiba ang ginawa mo rito anak.’ It’s nice to hear that from my mom. It’s been a while I just don’t know how to gauge my acting but like I said in the beginning, mahirap nga sa akin kasi I don’t know if I’m performing, thanks to my director.”
Pero naiarte naman ng ayos ni Derek ang karakter niya na isang dating pulis na asawa ni Ellen na nakakakita ng mga bagay-bagay mula sa kanyang panaginip.
Aminado rin si Derek na ninerbiyos siya sa pagsalang sa kamera mabuti na lamang at inalalayan siya ng kanilang direktor at mga kasamahang artista. Kaya dahil dito naging madali na rin sa kanya na iarte ang mga hinihinging eksena.
Sobra naman kaming nagalingan sa batang bidang si Erin Espiritu na bagamat first time ring umarte ay napakahusay. Gumanap siya bilang “anak” ni Derek kay Zeinab. Ibang klase ang ipinakitang akting ng bagets sa movie.
At dahil R-13 ang Kampon, hindi ito napanood ni Erin. Pero may pakiusap na lamang siya sa netizens. “Gusto ko lang po na manalo ang Kampon sa Dec 25 sa showing nito.”
At nagpasalamat na lamang siya nang sinabi sa kanyang malakas ang laban niya para maging Best Child Performer sa darating na Gabi ng Parangal sa Dec. 27.
Kakaiba ang horror movie na Kampon na tulad ng sabi ni Beauty, may pagka-artsy ito. Pero isa ang tiyak namin, magugulat at mapapatili kayo sa oras na mapanood ito simula December 25.
Mapapaisip din tiyak ang mga manonood lalo na sa ending na iniwan sa mga manonood kung ano ang mga susunod na mangyayari.
Ang Kampon ay idinirehe ni King Palisoc mula Quantum Films ni Atty. Joji Alonso. Kasama rin dito sina Nico Antonio, Cai Cortez at marami pang iba.