PURING-PURI ni Direk Cathy Garcia Molina sina KD Estrada at Alexa Ilacad nang idirehe niya ang mga ito sa Toss Coin na ipalalabas sa 20th Hong Kong Asian Film Festival.
Anang award winning at highest grossing film director, marunong makinig ang KDLex kaya hindi siya nahirapang idirehe ang mga ito.
Magbibida sa kanilang kauna-unahang international microfilm ang KDLex sa Toss Coin, isa sa tatlong pelikula na bahagi ng Hong Kong In The Lens By Asian Directors na may layuning ipakita ang ganda ng Hong Kong at pausbungin ang turismo ng bansa.
Iikot ang kuwento sa pagkikita nina Kiko (KD) at Pia (Alexa) sa Hong Kong na mabubuo ang kanilang hindi inaasahang pag-iibigan at magagandang karanasan.
Masayang ikinuwento nina KD at Alexa ang kanilang experience na makatrabaho sa unang pagkakataon si Direk Cathy.
“Ipinagyayabang ko siya, ang maka-work si Direk Cathy. It’s an honor to be chosen to do this. Sabi ko nga, we have to impress them and be fun to work with,” sabi ni Alexa.
“Alam naman natin na si Direk Cathy is a master of RomCom, I was very shocked and nervous, but Alexa and I talked na we’re really going to bring our A game and we want to make the story shown to everyone,” dagdag naman ni KD.
Sa espesyal na screening na naganap noong Linggo, ibinahagi ni Direk Cathy na mas lumitaw ang emosyon at koneksiyon ng KdLex dahil sa ganda at kulay ng Hong Kong.
“While I personally like the city’s human touch and culture, this time, I had the opportunity to show the other side of Hong Kong, highlighting the beautiful architecture of the buildings and the intersection between artistic galleries and vibrant murals that blended perfectly with the story and Kdlex’s chemistry,” sabi niya.
Tatlong short films mula South Korea, Thailand, at Pilipinas ang tampok sa proyektong ito na nagsimulang mapanood ngayong Disyembre sa tvN Asia at Viu sa December 11. Ipapalabas din ito sa A2z at Kapamilya Channel.