TATLONG kabataang lalaki ang nadakip nang makuhaan ng ilegal na droga sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Sa ulat, habang gumaganap ng kanilang tungkulin ang mga tanod ng Brgy. 120 nang makatanggap sila ng tawag sa telepono mula sa isang concerned citizen at inireport sa kanila ang hinggil sa tatlong kabataan na mayroon umanong ilegal na droga sa 3rd Avenue, Maria Clara St., Brgy. 120.
Kaagad namang pinuntahan ng mga tanod ang nasabing lugar kung saan naabutan nila dakong 1:15 am ang tatlong kabataang lalaki na edad 13 hanggang 15 anyos, pawang residente sa naturang barangay.
Inutusan ng mga tanod ang tatlong kabataan na buksan ang kanilang mga kamay at nakuha sa kanila ang tatlong transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P9,520.
Inilipat na ang tatlong ‘nasagip’ na menor de edad sa pangangalaga ng Caloocan City Social Welfare and Development (CCSWD). (ROMMEL SALES)