SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
HINDI talaga maitatago ng baguhang singer na si Jeri Violago na kamukhang-kamukha niya ang aktor na si Matteo Guidicelli. Mabuti na lamang at hindi priority ni Jeri ang pag-arte dahil mas gusto niyang tutukan ang pagkanta.
Kamakailan, inilunsad ni Jeri ang kanyang single na Gusto Kita under Tarsier Records na iniaalay niya sa kanyang mga supporter.
Napakasuwerte ni Jeri dahil todo ang suportang ibinigay sa kanyang paglulunsad nina Jonathan Manalo at Vehnee Saturno. Present din ang buong Violago family.
Puring-puri nga siya ng dalawa at naniniwalang malayo ang mararating nito bilang singer at songwriter.
“I feel like this is the first step towards achieving my dream and I’m so happy and excited,” ani Jeri.
“Noong kumanta ako, nagulat nga po family ko kasi hindi nila alam na mayroon pala akong boses. I said basta maka-graduate ako, ipu-pursue ko itong music career,” pagbabahagi ni Jeri na tumanggi sa alok ng kanyang ama na siya ang magpatakbo ng kanilang rice mill business sa San Jose, Nueva Ecija para lang masunod ang pagkahilig at pagmamahal sa musika.
Ang Gusto Kita ang napiling debut single ni Jeri dahil marami ang makare-relate na kabataan dito.
“I want it chill and coo. I want listeners to feel the vibe. I want to transport them to that special moment in their life when they were falling in love,” ani Jeri.
Sa launching ay ipinakita rin ang music video ng Gusto Kita na napapanood na sa YouTube. Sa MV ay kasama ni Jeri ang It’s Showtime host na si Jackie Gonzaga.
At ngayong unti-unti nang natutupad ang pangarap ni Jeri umaasa siyang marami pa siyang kantang maipo-produce at maiparirinig sa kanyang supporters lalo’t hilig din niya ang magsulat ng mga kanta.
Umaasa rin siyang makaka-collab ang mga idolong Ben&Ben at si Zack Tabudlo.
Samantala sinabi ni Vehnee na, “Jeri has all the good qualities to make him a top singing heartthrob.
“He’s got a good voice, he’s well bred, he’s good looking and very talented and he has great appeal to the fans.”
Ang Gusto Kita ay available sa Spotify at iba pang digital music platforms.