SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
TATLONG cinema sa SM Megamall ipinalabas ang pelikulang Loyalista: The Untold Story of Imelda Papin na pinagbibidahan ni Claudine Barretto kasama sina Gary Estrada, Alice Dixson, ER Ejercito, at Maffi Papin.
Ang pagpapalabas ng biopic ng Philippines’ jukebox queen na si Imelda Papin ay kasabay ng pagdiriwang nito ng ika-45 taon sa industriya.
Napag-alaman naming isang taon ginawa ang Loyalista: The Untold Story of Imelda Papin.
Ayon sa anak ni Imelda, totoo lahat ng mga pangyayari na ipinakita nila sa pelikula.
“Hindi po haka-haka lang. Ito po ay hango mula sa pagiging bata, pag-unlad at pagiging loyalista niya (Imelda) at kaibigan sina Imelda at Pangulong Ferdinand Marcos sa Hawaii,” paglilinaw ni Maffi.
Si Unang Ginang Imelda Marcos si Alice sa pelikula na bagay na bagay dahil napakaganda lalo’t laging nakapostura samantalang si ER naman si dating Pangulong Ferdinand Marcos na hindi naman alam kung boses niya talaga ang ginamit dahil gayang-gaya.
Anyway, si Claudine si Imelda Papin na hindi naman nahirapan sa pagkanta dahil kakaunti lamang ang mga tagpong kumakanta siya.
Mas lamang ang pagpapakita kung gaano ka-loyal bilang kaibigan, inaanak si Imelda ng mga Marcos. Sumunod pa nga ito sa Hawaii nang ma-exile roon ang pamilya Marcos dahil nanganib na rin ang buhay ng singer bilang kilala siya bilang isa sa die hard supporter ng mga Marcos.
Samantala, nakalulula ang dami ng mga Marcos na sumuporta sa pelikula dahil puno ang tatlong sinehang pinagdausan ng premiere night.
Iba pa rin talaga ang hatak ni Imelda gayundin ng mga Marcos.