SWAK sa rehas na bakal ang dalawang hinihinalang drug personalities matapos kumagat sa ikinasang buybust operation ng pulisya sa Caloocan City.
Kinilala ni Caloocan City police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang mga suspek na sina alyas Ert, 53 anyos, at alyas Mekini, 20 anyos, kapwa residente sa Brgy. 19.
Batay sa ulat ni Col. Lacuesta kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, dakong 6:10 am nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Cpt. Emmanuel Aldana ng buybust operation laban kay Ert matapos ang natanggap na report hinggil sa pagbebenta nito ng shabu.
Nang tanggapin ng suspek ang P6,500 marked money mula sa isang pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinakma ng mga operatiba, kasama si Mekini na sinasabing bumili din ng droga kay Ert sa P. Zamora St., Bgy. 19.
Nakompiska sa mga suspek ang nasa 10 gramo ng hinihinalang shabu, nagkakahalaga ng P68,000; at buy bust money na isang P500 bill, kasama ang 6-pirasong P1,000 boodle money.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)