SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
IDADAAN na lang ni Sharon Cuneta sa personal ang anumang mensahe na ibibigay niya sa kanyang mga anak para maiiwas na rin ang mga ito sa basher. Ito ang binigyang diin ng Megastar sa kanyang post noong Lunes kasabay ng pagdiriwang ng kaarawan ng kanilang bunsong anak ni dating Senador Francis “Kiko” Pangilinan, si Miguel.
Kasabay din nito ang pakiusap na tantanan na ang kanilang mga anak sa paggawa ng kung ano-anong isyu para pagsabungin.
Post ni Sharon kasama ang picture nilang mag-asawa at mga anak, “Kahit may Cebu concert pa sa 17th, back to reality muna kayo mga anak! My son Miguel celebrated his 14th birthday with us on Oct.29! A simple dinner at the place he wanted to go to. Missed our Kakie [Frankie] and KC but I am happy to have been able to be with my family between the MOA Arena and Okada Manila shows!”
Dito’y sinabi ni Sharon na personal na lamang niyang ihahatid ang kanyang mga mensahe sa mga anak para maiiwas sa mga troll. At ipinakiusap na tantanan ang kanyang mga anak dahil hindi nga naman deserve ng mga ito ang anumang negative comment.
“From now on, to avoid risking all four of my children’s feelings being targeted by trolls, even on their birthdays I will give them all my loving messages not on social media na but in personal notes na lang.
“To those who find pleasure in hurting the feelings of my family members, please, tama na. Nananahimik kaming lahat and they don’t deserve any negativity. Thank you. Happy birthday my Gugie. I love you very much.”
Ipinagmalaki naman ni Sharon na unang-unang bumati sa matagumpay na reunion concert nila ni Gabby Concepcion, ang Dear Heart sa MOA at Okada ang kanyang asawa at mga anak. At itinangging ikinatampo iyon ng kanyang mister at mga anak.
“P.S. Never ko sana nagawa ang shows namin ni Gabby without my husband and kids’ approval. They were the first to congratulate me after MOA! Malawak kasi isip ng pamilya namin, sorry naman! Proud sila of me!” paglilinaw ni Shawie.
Sinabi rin ni Sharon na siya ang nahihiya at nasasaktan para sa kanyang mga anak dahil sa mga negatibong komento ng netizens.
“Tanggap ko na habangbuhay hati ang katawan ko kasi naging 2 ang pamilya ko. Pero ako ang nahihiya sa mga anak ko kasi nadadamay sila just because I am their mommy… it hurts me.”
Ani Sharon, hindi mga manok ang kanyang mga anak para pagsabungin.
“And pls I am not a ‘mamananggal!’ Please, kindly stop making my kids sabong or pinagaaway di naman sila mga manok. Ngek. Peace na please. Pis b widju en olso wid us.”