IKINAGULAT din pala ng direktor ng Broken Hearts Trip na si Lemuel Lorca ang pagkakasama nila sa sampung entries na mapapanood sa 49th Metro Manila Film Festival sa December 25. Subalit iginiit niyang may karapatan naman silang masama.
Ani Direk Lemuel na aminadong hindi siya nanood noong announcement, nagulat siya pero nilinaw niyang hindi totoo ang naglalabasang tsika na malakas sila lalo ang kanilang producers kaya nasama sa 10 ang kanilang pelikula sa MMFF.
“Parang ayoko naman i-discredit ‘yung nagawa na trabaho ng mga tao, ‘yung nagawa ng mga artista, mga writer natin from the original concept ni Lex Bonife and Archie del Mundo. Parang ayokong i-discredit to even acknowledge that kind of rumor,” paglilinaw ng direktor.
“So, I believe na nakapasok siya because of the merits of the film. Mahuhusay ‘yung mga artista ko. They have the track record, especially si Christian nga every year nananalo… sa magandang track records niya sa MMFF,” giit pa ni direk Lemuel.
“Ang writer namin just won sa Venezuela ng writing for Siglo sa last movie namin. So, I have to give credit to the people behind the camera and nasa harapan ng camera na… I think we’ve given more than 100 percent of our time and talent here na feeling ko, deserve nilang makapasok sa MMFF. Dapat panoorin para ma-justify,” paliwanag pa ng filmmaker.
“So far naman, after we released the trailer, we got nothing but positive feedback doon sa trailer. It’s a fun film and people should be given a chance na makita nila.
“Sabi nga ni Direk Andoy, hindi siya malaking artista, pero ganoon din ang mga pelikula ng Cinemalaya, QCinema, CineFilipino which I am proud to be part of in the past, na maliliit na pelikula kung tawagin sa industriya, pero sila ‘yung nagbibigay ng karangalan sa bansa.
“Bigyan n’yo naman ng chance na maka-experience rin kami ng mainstream na maibahagi namin sa mas maraming audience ang aming pinaghirapan,” susog pa ng direktor.
Samantala, aminado rin si direk Lemuel na magastos pero very satisfying at masaya ang kanilang pelikula.
Marami kasing lugar na pinuntahan ang bida sa Broken Hearts Trip bilang suporta na rin sa gobyerno na maitampok ang naggagandahang lugar dito sa ating bansa. Nag-shoot ang buong production sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas tulad ng Cebu, Ilocos Norte, Laguna, at Batangas.
Bagamat mahirap din sa mga bidang sina Christian Bables, Jaclyn Jose, Teejay Marquez, Marvin Yap, Petite, Iyah Mina, at ang actor-director na si Andoy Ranay ang ginawang paglibot sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas, na-enjoy naman nila.
Kinunan ang kabuuan ng pelikula sa iba’t ibang bahagi ng Kawasan Falls sa Cebu, Pagudpud sa Ilocos Norte, Mt. Banahaw, mga beach sa Lobo, Batangas, at ang white water river rafting attraction sa Magdalena, Laguna.
“Ang masasabi ko lang, napakahirap pala mag-shoot ng ganitong travel. Buti na lang magagaling ang mga producer namin, from our line producer, supervising producer, production manager, financiers namin, ‘yung mga producer namin.
“Sila dapat talaga ang mabigyan ng credit dito, eh. Kasi, sila ‘yung nagkasa ng shooting na ito.
“So, I have to give them the credit para mabigyan ng tamang budget… ‘yung experience namin. Parang as if hindi kami namroblema kasi sila ‘yung pumasan ng lahat na problema.
“Magagaling ‘yung mga producer namin magtipid. Magaling silang mag-budget. Hindi naman kami ginutom ng mga producers namin. Nabigyan kami ng sapat na talent fee.
“Hindi kami ginutom. Masaya kaming nag-shoot nito. So, I have to give them the credit,” sabi pa ni direk Lemuel.
Iikot ang kuwento ng Broken Hearts Trip sa isang reality show na maglalaban-laban ang limang brokenhearted members ng LGBTQIA+ community. Magiging “Judgers” sa competition sina Christian, Tart Carlos at Jaclyn. (MValdez)