MA at PA
ni Rommel Placente
SA ikalawang pagkakataon ay nakunan na naman ang actress-vlogger na si Alex Gonzaga. Last month nangyari ang second miscarriage niya, base sa panayam sa kanya ng kapatid na si Toni Gonzaga na mapapanood sa YouTube channel nitong Toni Talks.
Kuwento ni Alex, nakunan siya matapos silang sumailalim ng asawang si Mikee Morada sa tinatawag na in-vitro fertilization (IVF), proseso ng pagbubuntis na pinagsasama ang itlog ng babae at semilya ng lalaki sa isang laboratoryo sa halip na pagtatalik.
Inamin ng aktres-vlogger na nagdesisyon sila ni Mikee na subukan ang IVF dahil sa nararamdamang pressure sa pagkakaroon ng anak mula sa mga taong nasa paligid nila.
Bukod dito, may napanood din siyang panayam tungkol kay former United States First Lady Michelle Obama na nakunan din bago manganak sa pamamagitan ng IVF.
Sabi ni Alex, “Basta nakita ko sinabi niya (Obama) na nagkaroon siya ng miscarriage then after two years, hindi sila makapag-conceive ni Barack (Obama), so sabi niya mag-IVF siya. So by 34, nag-conceive siya then at 36. Through IVF pareho ‘yun.”
Nang makunan, humingi siya ng paumanhin kay Mikee.
“I was so pressured na. Pagkatapos sabi ko kay Mikee, ‘Mike, sorry.’ Sabi niya, ‘Bakit ka nagso-sorry? Ang dami pa nating embryo. Go lang.’
“Very supportive siya talaga pero hindi niya ipinakikita ang mga emotion. Ipinaramdam niya sa akin na siya ang partner na hindi ipararamdam sa ‘yo na kasalanan mo,” aniya pa.
“Tapos ‘yung minsan natatakot ka nang gumising sa umaga kasi parang shocks anong magiging result?”
May mga agam-agam nang naramdaman si Alex nang gumamit na ng mga medical jargon ang kanyang doktor kapag nagpapaliwanag na tungkol sa kanyang pagbubuntis.
Pero ang sabi sa kanya, maging patient sa paghihintay dahil baka mabagal lang ang development ng kanyang pregnancy.
“First punta namin, ano eh, walang nakikita. Tapos may nakitang mass, sa fallopian tube. Tapos nakikita ko hindi na maganda ‘yung mga nangyayari.
“So alam ko na may something wrong doon sa second pregnancy. Sabi nila, we have to wait. Ganoon din nangyari sa amin sa first pregnancy namin. We have to wait another week to see baka naman it’s slow.”
At bago nga sumapit ang kanyang final check up, parang kinausap siya ng Diyos, “Noong naliligo ako parang bigla lang akong kinausap ni Lord na parang, ‘Why are you in a rush to be pregnant? Why?’
“Tapos naiyak ako, kasi parang naisip ko, ‘Oo nga ‘no, ba’t ba ako in a rush, bakit hinihingi ko kay Lord is, ‘Lord sana bukas pregnant na ako, sana talagang matuloy na ‘tong pregnancy ko.’”
Sabi naman kay Alex ng kanyang ate Toni, “Ikaw kasi lahat sinasabi, ‘si Alex na ‘yung susunod’. Alam mo ‘yung baby shower ko? ‘Alex, ikaw na’. Tapos lahat ng video mo, ‘Pregnant na si Alex, hindi lang niya sinasabi.’”
Pahayag ni Alex, matapos ang mapait na pinagdaanan, mas tumaas pa ang respeto at paghanga niya sa mga nanay na sumasailalim sa IVF procedure para mabuntis.
“Kapag (na-conceive) kayo ng IVF, mahalin niyo ang nanay niyo. Kasi dito makikita ang hardship at ang daming pinagdaanan para lang mabuo ka. Grabe ang respect ko sa mga nanay sa pinagdaanan ninyo.”
May mensahe rin siya sa mga kababaihan na hindi pa rin makabuo ng anak at sa mga tulad niyang dalawang beses nang nakunan.
“Huwag kayong magagalit kay Lord because may reason talaga. Always pray na ma-comfort ka niya. God always comforts the brokenhearted.
“Tapos kapag may bad news, sabihin niyo, ‘Lord, be with me. Yakapin niyo ko the whole time para hindi ako masaktan at para hindi ako madurog.’ Sasamahan ka talaga niya,” sabi pa ni Alex.
Samantala, ang interview na ‘yun ni Alex sa kanyang ate Toni ay napanood ng buo ng kanilang kasambahay na si Jen. Napansin ni Alex ang pag-iyak ni Jen after ng kanyang interview. Nang tanungin niya ito kung anong dahilan, sinabi ni Jen na ngayon niya lang daw kasi natapos ang interview nito.
Sa Instagram Story ni Alex, inilagay niya ang video ni Jen na nagpupunas ng kanyang luha. Ang inilagay niyang caption dito ay, “Nakita ko si Jen umiyak kala ko ano nangyari sabi ko ‘bakit ka umiiyak?’
“Bigla ako niyakap. (Sabi niya) ‘Ngayon ko lang natapos interview mo eh,’” ang kuwento pa ni Alex.