FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
DAPAT papurihan si Land Transportation Office (LTO) Chief Vigor Mendoza sa kanyang inisyatibong sawatain ang mga colorum na public utility vehicles (PUVs). Sakaling hindi n’yo alam, naging agresibo ang mga LTO regional offices sa kanilang operasyon, at dumating pa nga sa puntong nagpakalat ng “mystery drivers” upang matukoy ang mga tiwaling awtoridad na pumapapayag masuhulan kapalit ng proteksiyon ng mga pasaway na PUVs.
Anim na tauhan na ng LTO ang nasampulan. Ang mga namamasadang colorum, o iyong mga hindi rehistradong PUVs na naglalagay sa mga pasahero sa alanganin, ay matagal nang nagbabanta ng kapahamakan sa lansangan. Maiintindihan naman ang pagkadesmaya sa kanila ng mga grupo ng transportasyon na nagkakandalugi dahil sa mga hindi awtorisadong sasakyan, lalo sa Metro Manila. Ayon sa ilang lehitimong operators, aabot sa hanggang 30 porsiyento ng kanilang kita ang napupunta sa mga colorum na PUVs.
Masisisi rito ang kabiguan ng regulasyon ng LTO. Pero sa unang pagkakataon sa mahabang panahon, masasabing tama si Transportation Secretary Jimmy Bautista sa pagpuri sa pagpupursigi ni Mendoza.
Ngayon, ipinauubaya na ng LTO sa Philippine National Police (PNP) ang huling hakbangin upang tuluyan nang malinis ang kalsada sa mga delikadong PUVs. Umasa tayong hindi sasayangin ng PNP ang progresong nasimulan ng LTO. Kailangang linisin ang mga kalsada, hindi ‘yung magdagdag pa ng kalat.
Ang pagbabalik ni Guadiz
“IN the exigency and best interest of service, Assistant Secretary Teofilo Guadiz III is hereby reinstated as chairperson of the LTFRB (Land Transportation, Franchising, and Regulatory Board), effective 6 November 2023.” Ito ang mababasa sa special order na pirmado ni Transport Secretary Bautista, mistulang nagsasabi na nagkamali sa pagpapasya ang Presidente nang suspendihin nito ang opisyal kasunod ng pagkalat ng alegasyon ng korupsiyon laban dito noong nakaraang buwan.
O baka naman masyado lang magaling ang LTFRB chief para mahuli sa akto?
Alinman sa dalawa, sinabi ng mga espiya ng Firing Line na masaya raw ang ilang LTFRB insiders sa pagbabalik sa puwesto ni Guadiz. Tama ba, “Jack Pascual” at “Amie dela Cruz”? Hindi ko sila kilala, pero ang balita ko, hindi nila hahayaang mangyari kay Guadiz ang sinapit ng dati niyang executive secretary na si Jefferson Tumbado.
Nadamay na ang military
ILANG linggo na ang nakalipas nang mabanggit ko rito na ilang heneral, may retirado at may aktibo, ang nagpaplano ng kudeta. Ang lumalabas, sinisisi ni Armed Forces Chief of Staff Romeo Brawner ang media na mali raw sa pagbabalita sa kanyang sinabi nitong Biyernes. Sa kabila nito, totoo namang sinambit niya nang buong linaw ang mga salitang “destabilization efforts.”
Bibihirang marinig ang mga salitang ganoon mula sa pinakamataas na opisyal ng militar, maliban na lamang kung may apoy talagang pinagmumulan ng usok.
Naniniwala ang ilang political academics na ang pagkakahati-hating ito ng militar ay bunsod ng hindi pagkakasundo ng mga puwersang politikal. At malaki ang posibilidad na dahil dito, ang solidong tambalang Marcos-Duterte na namayagpag sa halalan noong 2022 ay isa na ngayong umiiral na koalisyong may mga bitak at butas.
Maayos pa rin naman ang samahan nina President Junior at VP Inday Sara. Pero si BBM at ang kanyang hinalinhan, ang ama ni VP Sara na si Rodrigo Duterte, ay magkasaliwa ng paraan sa pagharap sa China.
Mistulang nanumpa si Inday Sara upang patahimikin sa politika ang pinsan ni BBM na si Speaker Martin Romualdez. O baka naman kaya baligtad ang nangyari?
Pero walang dapat ipag-alala, ayon kay Brawner. Wala naman daw siyang sinabi na mayroon ngang destabilization plot.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).