Humakot agad ng dalawang gintong medalya si Kent Francis Jardin ng Adamson University sa unang araw ng kompetisyon sa athletics ng 2023 Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) Games National Championships na ginanap sa PhilSports Track Oval sa Pasig City, kahapon.
Unang sinungkit ni 19-year-old at pambato ng Philippine Army, Jardin ang 200 meter matapos ilista ang tiyempong 22.07 segundo bago kinana ang 4x100m relay sa event na inorganisa para sa mga cadet-athletes ng Philippine Army, Philippine Air Force, at Philippine Navy.
Nakipagkampihan si Jardin kina Denmark Dalunes, Ralph Anthony Lego, at Alexander Padilla para ilista ang 43.29 segundo sa 4x100m relay.
May tsansa pa sa triple gold si Jardin dahil nakatakda pa itong tumakbo sa 4x400m relay sa event na ang utak ay si Sen. Francis Tolentino at suportado ng Philippine Sports Commission (PSC).
“Sobrang saya po at nakadalawang golds ako dito sa ROTC Games National Finals.” masayang hayag ni Jardin. “May takbo pa po ako sa 4x400m relay, sana manalo din.”
Sina Marla Jean Bacaro, Ciara Largavista, Jeazel Talaver at Angelica Bacaro ng UNO-Recoletos ang kuminang sa 4x100m relay sa women’s side sa nirehistrong 55.50.
Samantala. ipinaramdam agad ng Jose Rizal Memorial State University (JRMSU), Zamboanga ang kanilang lakas matapos nilang walisin sa tatlong sets ang kapwa Army cadet, Tarlac State University (TSU), Cavite, 25-22, 25-18, 25-23 sa volleyball event.
Inangklahan ni team captain Charlene Pailaga ang JRMSU para masilo ang unang panalo at mapalakas ang tsansa na sumampa sa susunod na phase.
Nagwagi rin ang University of Cagayan Valley (Navy) kontra Guimaras State University, 25-23, 25-21, 21-25, 19,25, 17-15 matapos ang makapigil hiningang fifth set match.
Tabla ang iskor sa 15-all, pumalo si Neshel Pascual ng back-to-back spikes para i angat ang University of Cagayan Valley mula sa Cavite ang importanteng panalo.
Nagsipagwagi naman sa boxing event sina Joeler Efondo at Jade Cabaya sa flyweight (48-51 kg.) habang nanaig si Alfred Deslate bantamweight (51-54 kg.) na mga pambato ng Philippine Army.
Tinalo ni Efondo si Jomar Olisa ng Philippine AirForce via knockout sa round 2, ginulpi ni Cabaya si Jay-R Ombid ng Philippine Navy habang winner by points si Deslate kay Love Heart Marino ng PAF, 5-0. (PSC-PCO Public Communication Office)