KRITIKAL ang kalagayan sa pagamutan ng isang binata makaraang pagsasaksakin ng kanyang kabarangay sa gitna ng mainitang pagtatalo sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Patuloy na ginagamot sa Valenzuela Medical Center (VMC) ang biktimang kinilalang si John Jerwin Cicat, 21 anyos, residente sa Arasity St., Brgy. Tinajeros sanhi ng mga saksak sa iba’t ibang parte ng katawan.
Isang follow-up operation ng Malabon City Police (MCP) ang isinagawa laban sa suspek, kinilalang isang alyas Pagoy, nasa edad 20-25 anyos, residente rin sa nasabing barangay.
Batay sa ulat ni P/SSgt. Jeric Tindugan, may hawak ng kaso kay Malabon City police chief P/Col. Jay Baybayan, dakong 6:30 pm nang magkaroon ng pagtatalo ang biktima at ang suspek sa Arasity St., Brgy. Tinajeros.
Sa kainitan ng pagtatalo, sinapak ng suspek ang biktima sabay naglabas ng patalim dahilan upang kumaripas ng tumakbo si Cicat para sa kanyang kaligtasan.
Dito ay hinabol siya ng suspek at nang maabutan ay sunod-sunod na inundayan ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan bago mabilis na tumakas sa hindi matukoy na direksiyon.
Nakita ng saksing si Jaime Melon, 25 anyos, kitchen staff at kapitbahay ng biktima na duguang nakaupo sa semento kaya agad siyang humingi ng tulong para maisugod sa naturang pagamutan. (ROMMEL SALES)