HATAWAN
ni Ed de Leon
NATAWA na lang kami nang may isang pra la la na nag-enumerate ng mga award na nakuha ng bida ng isang pelikula, hanggang sa mga supporting cast ng pelikula. Pero talaga namang ganyan tuwing may film festival. Hindi na kailangan ang Deparment of Agriculture o ang Bureau of Plant Industry, talagang magmumura at kakalat ang ampalaya. Mananatiling mataas ang presyo ng ibang mga gulay pero ang ampalaya tiyak na dadagsa.
Pero ito ang tanong eh, hindi ba’t nagsisimula pa lang silang lahat na gumawa ng pelikula ay alam na nila na ang criteria ng festival ay 40% artistic excellence, at 40% commercial viability. Ibig sabihin, sinabi naman nila sa simula pa lang na ang pipiliin nilang kasali ay hindi lamang maganda kung ‘di kikita.
Hindi ba may panahon namang pinagbigyan na sila ng Metro Manila Film Festival (MMFF) na ang kasali halos lahat ay indie, na pinupuri ng mga kritiko, pero hindi naman pinanood ng mga tao? Ang resulta, iyon ang festival na may pinakapalpak na gross income, at halos lahat ng sinehan nalugi. Hindi naman sa nag-abono pa ang sinehan pero hindi nila naabot ang dapat sanang kinita nila sa panahong iyon. Huwag ninyong tatarayan ang mga sinehan. Hindi ninyo sila kalaban. Kasi kinuha ninyo ang pinakamalakas na playdate sa buong isang taon na maaaring pagkakitaan ng mga sinehan, kaya kung sila ang magreklamo at nabigyan sila ng pelikulang hindi kikita, paano ninyo sila sisisihin. Sasabihin na naman kasi ang Pinoy bakya crowd.
Paki-define nga kung ano ang bakya crowd? Ang mga Filipino ay matalinong manonood ng pelikula, nagbabayad sila ng P400 para makapasok sa sine at masiyahan. Bakit nga naman sila babayad ng ganoon para sa isang pelikulang kanilang pagtitiisan lamang panoorin?
At sino ang makapagsasabi na ang isang pelikula ay maganda? Iyon bang mga kritikong namimintas ng lahat ng pelikulang Filipino sa mga diyaryo? Iyon bang mga kritikong nagbibigay ng awards na nabibili naman? Sino nga ba?
Sa Italya ganyan din ang sinasabi nila noong araw, nakagawa ba ng malalaking hits ang mga itinuturing na mga henyong si Pasolini at si Visconti? Hindi ba ang kumikitang pelikula noong panahon nila ay iyong tinatawag na spaghetti westerns?
DIto sa atin, wala namang mga cowboy talaga, pero hindi ba ang gustong-gusto ng mga tao ay iyong mga pelikula ni FPJ na nakasakay siya sa kabayo na parang cowboy? Mas malaking ‘di hamak ang kinita niyon kaysa maraming pelikulang klasiko.
Natatandaan nga namin ang kuwento niyon nang dalhin daw ng batikang director at National Artist for Film na si Lamberto Avellana ang napanalunang tropeo ng kanyang klasikong pelikulang Anak Dalita na nanalong Best Picture sa Asia-Pacific Film Festival noong 1956, sa producer ng LVN Pictures na si Dona Sisang, ang sabi daw niyon ay, “dalhin mo nga sa kusina iyan at tingnan mo kung maisisigang.”
Ang kuwento nga ni Leroy Salvador noong nabubuhay pa, “Kami sa LVN noon, kami ang mga artista nina Bert Avellana, at ni Manong Gerry. Hindi kami basta-basta nakakabale ng suweldo namin kay Dona Sisang. Pero basta artista sa pelikula ni Felicing Constantino, open iyan sa bale, kasi kumikita ang pelikula nila. Kaya ako noong maging director ako, sinisiguro kong ang mga pelikula kong gagawin ay kikita. Iyong mga kritiko, manonood iyan ng pelikula mo ni hindi magbabayad iyan. May mga passes iyan eh. Iyong publiko, iyan ang bumubuhay sa industriya kaya dapat ang gawin mong pelikula ay para sa kanila.” Samakatwid, kahit na pala noong araw pa, ang mahalaga ay ang commercial viability ng pelikula.
“Halimbawa ang mga kapitbahay mo ay mahilig na magpaganda, magpakulot ng buhok o magpa-unat hindi ba ang dapat mong itayong negosyo ay beauty parlor. Kung ang itatayo mong negosyo ay karinderya, huwag mong asahang kikita ka, kasi tiyak iyon nagluluto sila ng sarili nilang pagkain at ang natitipid nila, gagamitin nila sa pagpapaganda sa parlor.” Ang isa sa huling kuwento sa amin ng batikang director na si Emmanuel Borlaza na gumawa ng maraming hit movies nina Vilma Santos, Sharon Cuneta at maraming iba pang artista. Sa ngayon ang ating industriya ay lugmok at kahit na hindi pa lugmok hindi ba ang dapat nating isipin ay kumita ang mga pelikula para tuloy-tuloy ang trabaho ng mga manggagawa sa industriya?