SWAK sa selda ang live-in partners na sinabing tulak ng ilegal na droga matapos makuhaan ng mahigit P.3 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buybust operation ng pulisya sa Navotas kamakalawa ng madaling araw.
Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes ang naarestong magdyoang suspek na sina Cecilio Mendoza, Jr., alyas Jungky, 44 anyos; at Jerica Cortez alyas Kang, 37 anyos, dishwasher, at kapwa residente sa Block. 3, Lot 30, Phase 1C, Espada St., Brgy. NBBS Kaunlaran.
Sa report ni Col. Cortes kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, dakong 1:15 ng madaling araw nang maaresto ang mga suspek ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Cpt. Gener Sanchez sa buy- bust operation matapos bentahan ng P7,000 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa Bangus St., Brgy. NBBS Kaunlaran.
Nakompiska sa mga suspek ang halos 50 grams ng hinihinalang shabu, may standard drug price value na P340,000 at buybust money na isang P1,000 bill, kasama ang 6-pirasong P1,000 boodle money.
Ayon kay Cpt. Sanchez, nag-ugat ang pagkakaaresto sa mga suspek makaraan nilang makompirma ang ibinunyag sa kanila ng isang Regular Confidential Informant (RCI) hinggil sa pagbebenta ng shabu ng live-in partners.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale) and Section 11 (Possession of Dangerous Drug), Article II of RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). (ROMMEL SALES)