Sunday , December 22 2024
Willie Revillame PTV4 IBC13

Willie magpapabago raw sa imahe ng PTV4 at IBC 13

HATAWAN
ni Ed de Leon

KINUKUHA umano ng PTV 4 at IBC 13 ang komedyante at television host na si Willie Revillame dahil gusto nilang mabura sa isipan ng masa na ang kanilang network ay “government station” lang. Ibig sabihin, naglalabas lamang ng propaganda para sa gobyerno. At saka sa totoo lang, sa ngayon ang kanilang network na lamang ang hindi napasok ni Revillame.

Noon pa, iyang PTV 4 ay gumagawa na ng maraming programa na may kabuluhan naman, para maiwasan nga iyong image na sila ay propaganda station lang ng gobyerno. Simula naman nang itatag iyang Channel 4 na iyan na noong una ay GTV dahil government TV nga, tapos tinawag pa nila ng kung ano-anong pangalan, pero maliwanag naman na iyan ay isang government station dahil kumukuha iyan ng pondo sa gobyerno at nasa ilalim iyan ng pamamahala ng PCOO secretary. Hindi mababago ni Willie ang image ng PTV 4 bilang mouthpiece ng gobyerno na siya namang totoo.

Iyong IBC 13, ay isang dating commercial station at naging number one pa nga iyan sa ratings noong araw, bago naman pinag-interesang i-sequester ng gobyernong Aquino sa suspetsang may pera roon ang mga Marcos. Iyan natatawa kami, kasi alam namin ang buong kuwento. Iyang IBC 13 na dating Inter island Broadcasting Corporation ay pag-aari noon ni Don Andres Soriano, kaya nga ang antenna at transmitter niyan ay nasa loob ng Coca Cola warehouse sa Roosevelt, Quezon City, pero matapos ideklara ang Martial Law, nagkaroon ng batas na ang maaari lamang magmay-ari ng media sa PIlipinas ay mga Filipino. Iyon ang dahilan kung bakit ibinenta ni Don Andres na isang American Citizen ang kanyang network. Ang Radio Mindanao Network ay kinuha ng kanyang mga kasosyong sina Henry Canoy at nagpatuloy. Iyong diyaryong Philippines Herald, Mabuhay, at El Debate ay isinara na lang. Iyang IBC ay naipagbili kay Ambassador Bobby Benedicto na noon ay may-ari naman ng Kanlaon Broadcasting System. Bago pa maging presidente si Ferdinand Marcos Sr, may estasyon na ng radio at telebisyon ang KBS ng mga Benedicto, iyong Channel 9 noon. Na pinalitan nila ng pangalan at ginawang RPN. Tapos dahil ang estasyon nila ang malakas at kumikita, nakuha rin nila ang Banahaw Broadcasting Corporation na Channel 2 naman. Nong maupo ang Aquino government, siniquester nila ang lahat ng estasyon ng mga Benedicto sa bintang na iyon daw ay crony ni Marcos. 

Inilagay ang pamamahala niyon sa ilalim ng PCGG. Iyong Channel 2, sinabi ng mga Lopez na kanila raw at ipinasara lang ni Marcos at kinuha naman ng mga Benedicto. Walang kaabog-abog na ibinigay ni dating Pangulong Cory Aquino ang Channel 2 sa ABS-CBN, pati na ang mga equipment ng BBC na noong una ay pinag-usapang uupahan nila hanggang wala pa silang equipment. Pero nalimot na ang deal, at nakuha na iyon nang tuluyan ng ABS-CBN. Iyon namang RPN at IBC ay pinamahalaan ng PCGG, hanggang sa nalustay na ang lahat ng mga gamit, nagkasira-sira ang mga studio at facilities at wala namang nag-isip na ayusin iyon, after all kung magpapalit ng president, mapapalitan din ang mga namahala niyon, at aalis na ang dati, bakit ba sila mag-iisip ng improvement.

Nalugi lang ang RPN at IBC sa ilalim ng PCGG hanggang sa umabot na nga iyong panahon na hindi na nasusuwelduhan ang mga nagtatrabaho, kung sino-sino na lang ang kinukuha at inilalagay doon na wala namang karanasan kaya nga umabot sa ganyan ang kanilang kalagayan.

Kung iisipin mas matindi ang nangyari sa BBC,RPN, at IBC kaysa naranasan ng ABS-CBN. Iyong ABS-CBN napaso ang franchise at hindi binigyan ng bago kaya natigil. Ang ginawa ng Cory Government sa estasyon ng mga Benedicto, pinatigil, inari sa kabila ng may franchise ang mga iyon. Iyong BBC inangkin ng ABS-CBN kahit na wala silang franchise to operate dahil wala pa namang kongreso noong umupo si Cory. Nag-take over sila roon kahit na hindi pa naman napatutunayan sa Korte na galling nga sa pera ng gobyerno ang tatlong estasyon ng mga Benedicto. Pero noong panahong iyon, sino nga ba ang kokontra sa mga naka-dilaw?

Ngayon, paano maibabangon ng isang Willie ang image ng IBC 13? Huwag na iyong PTV 4, wala na iyon dahil talagang mouthpiece lang ng gobyerno iyon. Kaya naman itinayo iyon noong araw pa para maging government station, ewan nga ba kung bakit sila nag-aambsiyong gawin iyong commercial.

Iyong IBC 13, naging number one iyan noong nariyan pa ang Iskul Bukol ng TVJ. Naroroon pa ang Nothing But The Truth ni Inday Badiday, naroroon pa sina Nova Villa at Freddie Webb sa Chicks to Chicks. Kombinasyon iyan ng mga programang binuo noon ni Leni Parto. Nariyan din ang Sharon Cuneta Show.

Eh ngayon paano maibabangon ang image niyan kung si Willie lang? Naibangon ba noon ni Willie ang TV5, kagaya ng pagbalikwas noon ngayong lumipat doon ang TVJ?

Iyang IBC, para mabago ang image niyan, ipagbili nila sa pribadong tao o korporasyon na may kakayahan at kasanayang magpatakbo ng isang television network. Tutal may property iyang IBC, sila ang may-ari ng lupang kinatitirikan ng Broadcast City. Ang RPN ang walang assets kundi pangalan at franchise. Bulok na ang equipement, walang sariling studio, at wala na ring pera. Hanggang hindi mai-privatize iyan at maibalik sa mga tunay na broadcasters, walang mangyayari riyan. Bitiwan na iyan ng PCGG, matagal na naman nila iyang naging milking cow. Alisin na dapat ng gobyerno sa utak nila ang control ng media. Kung iisipin ninyo noong panahong kontrolado nila ang tatlo sa pitong estasyon ng tv, natalo kandidato ng gobyerno at lumusot si Rodrigo Duterte. Nito namang nakaraang eleksiyon, lumusot si Marcos na siyang dahilan kung bakit siniquester nila ang tatlong network, at kasangga pa nila ang ABS-CBN.

Ni minsan naman hindi na nakabangon ang RPN at IBC  simula nang hawakan ng PCGG, hindi pa ba nila matanggap ang katotohanan na sila na ang dapat bumitiw doon?

About Ed de Leon

Check Also

Joel Cruz P25-M 25th anniversay Aficionado 

Joel Cruz mamimigay ng P25-M sa 25th anniversay ng Aficionado 

MATABILni John Fontanilla MAMAMAHAGI ng P25-M ang tinaguriang Lord Of Scents na si Joel Cruz …

Enrico Roque

Paghuli kay Mayor Roque nakabibigla

PUSH NA’YANni Ambet Nabus SOBRANG shock din ang mga nakakikilala kay Pandi, Bulacan Mayor Enrico …

Bobby Garcia

Theater director Bobby Garcia pumanaw sa edad 55

PUSH NA’YANni Ambet Nabus PUMANAW na rin at 55 years old ang kilalang stage actor-producer-director …

MMFF50

Sampung pelikula para sa MMFF50, binigyan ng angkop na klasipikasyon ng MTRCB

ALAM MO NA!ni Nonie Nicasio ILANG araw bago ang Kapaskuhan, inilabas na ng Movie and …

MMFF 2024 MTRCB

Mga pelikula sa MMFF, binigyan ng angkop na klasipikasyon ng MTRCB

INILABAS na ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang angkop na klasipikasyon …