KINUWESTIYON ni Deputy Majority Leader at Iloilo First District Rep. Janette Garin ang Department of Agriculture (DA) dahil sa kawalan ng alokasyong pondo para sa rabies vaccine.
“Nakapagtataka this preventable disease has actually slowed down the past years, pero ngayon tumaas (siya) and supposedly the Department of Agriculture would have been spending rabies vaccine for our dogs, lalo na ‘yung mga stray dogs. Parang nawalan na yata ng pondo,” puna ni Garin sa kasalukuyang budget deliberations ng DA.
“May I know why rabies vaccination for dogs has been taken out among the priorities of the Department?” tanong ng mambabatas.
Sa pahayag ni DA Undersecretary Agnes Catherine Miranda, sinabi niyang sa mga nakalipas na taon ay may pondo ang ahensiya para sa nasabing mga bakuna, gayonman, sa kasalukuyan ay nasa loob ito ng mandato ng local government units.
Binigyang-diin ng House appropriations panel vice chairperson ang panganib ng pagkakaroon ng mga asong gala na hindi bakunado laban sa rabies, dahil ang kagat nito ay maaaring magdulot ng kamatayan sa tao.
Idinagdag ni Garin, ang mga bakuna ay magiging isang kasangkapan upang maprotektahan ang mga indibidwal mula sa matinding pinsala na maaaring dulot ng rabies.
“Mahal ang human anti-rabies vaccine. Nakakamatay ito at walang gamot. Minsan hindi naman naibibigay nang libre ang full dose ng rabies vaccine. Kaakibat ng solusyon sa ‘zero rabies death’ ay ang pagbabakuna sa mga aso,” giit ni Garin, ang dating kalihim ng Kagawaran ng Kalusugan.
“Patuloy na nanganganib ang mga taong makakasalubong ng ‘dog without an owner’ and unvaccinated dogs,” dagdag niya.
Ayon sa World Health Organization (WHO), nasa 59,000 tao ang namamatay taon-taon dahil sa rabies, 95 porsiyento ng mga kaso ay nangyayari sa Africa at Asia.
Hinimok ng mambabatas ang DA na itigil ang pagturo sa mga LGU. Ang bakuna sa rabies para sa mga aso ay nagkakahalaga lamang ng P10 bawat isa.
“Napakamura na nga. Ipinagkait pa.”
“Tingnan po natin kung paano natanggal o nawala [‘yung pondo para sa rabies vaccines]… I cannot swallow people dying from preventable illnesses,” ayon kay Garin.
“It is imperative that DA brings back rabies vaccines for dogs,” iginiit ng mambabatas. (GERRY BALDO)