HATAWAN
ni Ed de Leon
UMARANGKADA na ang mga attack dog at panay ang tira kay MTRCB (Movie and Television Review and Classification Board) Chairman Lala Sotto dahil sa ipinataw na 12 days suspension ng kanilang ahensiya sa It’s Showtime.
Hindi namin maintindihan kung bakit si Lala ang kanilang binibira, eh hindi naman kasama iyon sa nagdesisyon sa 12 days suspension. Nang mag-meeting nga ang MTRCB en banc, hindi sumali si Lala sa deliberations at pagboto kaugnay ng suspension ng Showtime dahil may delicadeza iyong tao. Ang talagang nagpataw niyan ay ang adjudication committee dahil hindi sila kumbinsido sa inilahad ng mga producer ng show nang kanilang ipatawag. Nakatatawa dahil may mga kasama sa committee na dating mga taga-ABS-CBN.
Pero hindi ka na dapat pang mag-one plus one, ang atake kay Lala ay hindi dahil sa kanya, iyon ay atake sa show ng tatay niya, iyong E.A.T. na hindi naman nila masiraan dahil wala silang isisira. Kung mapapalabas nga namang inaapi ni Lala ang ibang show dahil anak siya ni Tito Sotto baka nga naman makakuha sila ng simpatya ng tao, iyan ang tinatawag na “hampas sa kalabaw sa kabayo ang latay.”
At saka ano pa nga ba ang ikinasasama nila ng loob, hindi ba sinasabi nila na free tv lang naman ang sakop ng MTRCB kaya malaya pa rin silang magagawa ang lahat sa kanilang cable channel, sa Youtube, Tiktok, at Facebook. Hindi ba ipinagyayabang nila na sa buong Asya sila ang pinakamalakas sa Tiktok? Pero kung totoong ok lang sa kanila iyon, bakit nagbabayad pa sila ng blocktime sa Zoe TV at sa GTV para lang sila mapanood sa free tv. At ang masakit pa, kahit na palabas sila simultaneous sa dalawang channels, sila pa rin ang may pinakamababang ratings. Sa lahat ng survey sila ang kulelat eh, ewan lang namin kung Kantar na ang gumawa ng survey, baka lumabas na mas mataas pa sila sa 24 Oras.
Pero sa totoo lang maling-mali ang mga attack dog nila. May nagsasabi pang live na live ang Showtime, kaya ibig sabihin walang nagawa ang MTRCB. Iyang nagsasabi ng ganyan ay hindi alam ang judicial procedures. Karamihan naman kasi riyan dakdak lang ng dakdak wala namang pinag-aralan.
BInigyan sila ng suspension, nagharap sila ng motion for reconsideration. Kung hindi pa rin umayon sa kanilang motion ang MTRCB, mayroon silang 15 araw pang pagkakataon para umapela sa presidente ng PIlipinas. Kung panigan ng presidente na tinatawag nila noong anak na diktador at magnanakaw, ang desisyon ng MTRCB doon titigil na sila. Huwag nilang ipagmalaki ang social media, nasa ilalim iyan ng control ng National Telecommunications Commission, maaari nilang utusan ang social media platforms na huwag ilabas ang mga show na walang pahintulot ang MTRCB, batay sa PD 1986.
Kasi kung gagamit din lang ng mga attack dog, mamili naman niyong may utak para hindi lumalabas na katawa-tawa. Kukuha rin lang ng trolls iyon pang mumurahin ang kinukuha. Kumuha naman kayo ng may utak. At isipin muna ninyo kung ano ang maaaring kahinatnan ng ginagawa ninyo. Kung kami ang tatanungin, iyan ay isang malaking public relations disaster. Hindi tanga ang mga tao. Alam nila ang totoong sitwasyon. Hindi na maaaring takutin ang mga tao gaya noong araw. Hindi nga natakot ang mga bumotong huwag silang bigyan ng prangkisa, at ang marami sa mga ikinampanya nilang huwag iboto dahil inalisan sila ng prangkisa ay nanatiling nasa kongreso.
Ibig sabihin, wala nang talim ang ngipin nila, ngayon ang binu-bully naman nila ay MTRCB. Pero tingnan ninyo ang reaksiyon ng publiko, maraming nagsasabi na tama ang MTRCB at hindi dapat kunsintihin ang mga comedy bar type of jokes sa national television. Baka akala ninyo ABS-CBN lang ang sabit diyan, delikado rin ang GTV at ang Zoe TvV, dahil sa kanila lumabas iyan. Baka magkaroon din ng sanctions laban sa kanila.