HATAWAN
ni Ed de Leon
ISANG linggo na lang at tapos na ang Voltes V: Legacy. Ibig sabihin, makatitipid na naman kami ng koryente. Wala na kaming panonoorin eh.
Iyang Voltes V kaya namin sinundan, hindi lamang dahil sa istorya, hindi rin dahil sa artista, kundi parang nagbabalik sa amin ang aming nakaraan, ang high school days namin na nagmamali kaming umuwi kung hapon. Minsan ay tinatakasan pa namin ang aming “Spanish class” dahil gusto naming mapanood ang Voltes V.
Kaya lang noon, may lumabas na mga pag-aaral mula sa Japanese na ang panonood ng mga bata ay nagreresulta ng violent. Kahit na ang cartoons ay nagtutulak sa kanila para maging juvenile delinquents, kaya pinatigil noon iyang Voltes V.
Eh ngayon ano pa nga ba ang sasabihin nila eh lahat ng violence, lahat ng kalaswaan at sex, napapanood na sa internet.
Sayang natapos na ang Voltes V, pero ganoon kasi sila eh, tumatagal lang hanggang sa hindi tapos ang kuwento, hindi kagaya ng local series natin na nanganganak ang istoryaa, at habang may nagtitiyaga pang manood, sige lang, tuloy ang kuwento.
Malaki na ang natipid namin sa koryente simula nang ipaputol namin ang aming cable dahil sa pagkabuwisit sa masamang serbisyo ng Sky na laging walang signal, matagal mag-repair pero mabilis maningil.
Hindi na kasi kami nanood ng mga lumang pelikula sa gabi, na naiiwan namin ang tv magdamag.
Ngayon mawawala pa ang Voltes V, ibig sabihin pagkatapos ng news patay na ang tv. Tipid pa sa koryente, nakikinig na lang kami ng magagandang music sa radio ni DJ Richards, iyong GoLden Memories, nariring pa namin agad ng mga balita kahit na madaling araw.