HATAWAN
ni Ed de Leon
MABILIS na sumagot ang ABS-CBN na iaapela nila ang 12 day suspension na isinampa ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa kanilang palabas na It’s Showtime dahil sa reklamo ng mga mamamayan sa sinasabi nilang “mahalay” na pagsusubo ng daliring isinawsaw sa icing ng cake nina Ion Perez ay Vice Ganda sa harapan pa naman ng mga bata.
Hindi kami nag-comment diyan dahil hindi namin napanood iyong sinasabi nila, hindi naman kasi kami nanonood niyang Showtime. Noon ang pinanonood namin ay ang original na Eat Bulaga, at nang pansamantalang nawala ang TVJ at ang original Dabarkads, bago sila nagsimulang muli sa TV5, pinanood naman namin ang ipinalit na Eat Bulaga dahil gusto naming malaman kung bakit sinasabihan sila ng palpak at araw-araw ay bina-bash ng mga tao. Parang ayaw nilang tangkilikin ang show ni Paolo Contis kahit na “as a friend.”
Noong magbalik naman ang TVJ sa TV5, natural sa Kapamilya na rin kami gaya rin ng ginawa ng mga sponsor at ng audience.
Iba pa rin kasi ang napapanood mo iyong original. Palitan mo man ng balutan, iyon pa rin ang paborito mo. Ilagay man sa iba ang label na gusto mo, at mabuksan mong parang patay na isda ang laman, kakainin mo pa ba?
Balikan natin ang suspension ng Showtime, noong nagkakagulo na iyan may isa kaming kaibigan na nagpadala sa amin ng video ng nasabing show. Wala talagang masama kung kinuhit lamang ni Ion ang icing at isinubo gamit ang kanyang mga kamay, ganoon din naman si Vice Ganda, pero nagkaroon ng malisya dahil sa kanilang facial expression habang subo-subo nila ang kanilang daliri. Sinabi rin ng MTRCB, hindi lang iyan ang pagkakamali ng Showtime, marami na at maraming ulit na rin silang pinagsabihan at binigyan ng warning, eh akala siguro nila, “puro warning lang naman iyang MTRCB,” kaya ngayon nagulat sila nang suspendihin sila.
May isang show na sa mga joke raw nina Vice at Jhong Hilario ay may binabanggit na G Spot, hindi sasabihin iyan ng MTRCB kung walang report at wala silang hawak na tape ng nasabing show bilang katunayan. May isa pang pagkakataon na dahil sa suot ng isang contestant ay binanggit nila ang salitang “pekpek shorts.” Ang bastos naman talaga dahil ibig sabihin niyon ay shorts na halos kita na ang kayamanan ng babae. Ang pinaka matindi, minsan sa isang show ay nabanggit ni Vhong ang salitang “tinggil,” sa Ingles “clitoris” ng babae.
Isipin ninyong napapanood iyan ng libong tao sa telebisyon. Hindi bale sana sa mga comedy bar na pinanggalingan ni Vice, talagang ganyan kabastos ang jokes, dahil ang nasa mga comedy bar ay matatanda na, at ang kabastusan ay idinadaan nila sa tawa. Pero iyang ganyang mahalay na pananalita maririnig ng mga batang nanonood, hindi na yata tama. Dapat iyang MTRCB gawing SPG ang rating niyang It’s Showtime, para kung hayaan man ng mga magulang na ang mga anak nila ay manood, wala silang ibang sisisihin kundi sarili nila. Kung ang mga anak nila ay nagsisisigaw na ng pekpek shorts, G spot, at tinggil, bahala sila dahil hinayaan nilang manood kahit na SPG na.
Pero tama ang ABS-CBN, maaari silang umapela sa loob ng 15 araw matapos na matanggap ang suspension order. Kung hindi pa rin bawiin ng MTRCB ang suspension order sa isang en banc meeting, may 15 araw na naman sila para umapela sa Pangulo ng PIlipinas na siyang nagbibigay ng final decision. Pero paaabutin pa ba nila iyon sa Presidente ng PIlipinas na kung turingan ng mga taga ABS-CBN ay anak ng diktador at “magnanakaw.”
Kahit na kunin pa nilang abogado si Leni Robredo hindi nila maipapanalo ang kasong iyan. Hindi nga nila naipanalo sa Kongreso ang kanilang prangkisa eh.