FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
BUMABAHA ang memes sa social media, lahat ay nang-iinsulto kay Mr. Wilfredo de Joya Gonzales — ang lalaking hinarangan daw ang siklista sa mismong bicycle lane sa Quezon City, pinalo sa ulo ang kaawa-awang siklista, ‘tsaka pinagbantaan ang buhay nito nang bumunot at magkasa ng baril nang naka-“game face.”
Noong ako ay nasa newsroom pa, madalas kaming paalalahanan ng aming respetadong boss “na huwag nang dumagdag sa pang-aapi sa isang taong dapang-dapa na.” Kasabay nito, tumalima ang aming pahayagan sa isang estriktong polisiya: iulat ang totoo, iwasan ang hindi kinakailangang pagpapalaki ng istorya, at huwag nang gatungan pa ang isang negatibong bagay.
Sa kaso ni Mr. Gonzales, ang viral video ng hindi pangkaraniwang eksena sa kanyang buhay ay nagbigay sa kanya ng imahen bilang isang taong marahas at wala sa katuwiran. Gayonman, mapapaisip din tayo kung ano ba talaga ang kanyang kuwento. Huwag nating kalilimutan na ipinagmamalaki niyang dati siyang nagserbisyo sa Philippine National Police (PNP), ang organisasyong naatasan na magpatupad ng batas. Posible rin naman, ayon sa iba, na ang naging pagkakamali lang niya ay ang pinayagan niyang makunan ng video ang kanyang ginawa.
Sangkatutak na ang problemang legal na kinaharap ni Gonzales, karamihan ay nagtatapos sa pagbasura ng kaso. Marahil may espesyal sa kakayahan niyang mangumbinsi, o maaaring sabihin ng iba na pananakot, para makakopo ng areglo, gaya ng kinasapitan nila ng siklista.
Bilang ilang dekada rin siyang naging pulis, walang dudang eksperto siya sa paggamit ng baril. Gayonman, marami ang napapaisip, kahit pa gaano kabastos ang siklista, kailangan ba talagang bunutan at kasahan ng baril ang isang taong hindi naman armado? Ikakatwiran ng iba na magiging katanggap-tanggap sana ang grabeng reaksiyon niyang iyon kung tinutukan siya ng kutsilyo o anumang deadly weapon ng siklista. Pero, sa kasong ito, hindi naman iyon ang nangyari.
Kaugnay nito, bigyan natin ng kahit bahagyang pang-unawa si Brig. Gen. Nicolas Torre III. Ang kahandaan niyang magbitiw sa puwesto bilang QCPD director, bunsod ng hinihinalang pagpabor niya kay Mr. Gonzales, ay nagsasabing ang pagkakakilala niya sa suspek ay ‘yung tipong isa itong misunderstood na indibiduwal na sumusunod naman sa batas. Para kay Torre at sa kanyang presinto, makatwiran lang marahil na mag-areglo na lang ang dalawang panig sa halagang P500 penalty para matapos na ang isyu.
Gayonman, hindi maikakailang naresolba agad sana ni Mr. Gonzales ang sitwasyon kung nagkusa siyang magbigay na lang ng public apology sa siklista at amining mali ang paglalabas niya ng baril sa isang pampublikong lugar. Mas naging epektibo sana ito sa korte ng opinyon ng publiko sa kanya.
Bukod dito, huwag din sana nating kalimutan na mainit pang pinag-uusapan sa social media hanggang ngayon ang mga panibagong kapalpakan ng pulisya, kabilang ang kontrobersiyal na pamamaril sa dalawang binatilyo sa Navotas at Rizal. Ang ginawa ni Mr. Gonzales ay dumagdag pa sa mainitan pa ring talakayan sa usapin ng pulisya.
Pero matinong tao ba si Mr. Gonzales? Hindi ako sigurado kung ang argumentong ito ay nakabatay sa maraming pagkakataong napatunayan ng korte na inosente siya sa krimeng ibinibintang sa kanya. Totoong napakaraming kaso na isinampa laban sa kanya ang naibasura na ng mga kagalang-galang na korte, gaya ng dalawang kaso ng paglabag sa PD 1866 (Illegal Possession of Firearms), isang kaso ng grave threat noong 2000, isang kaso ng grave coercion noong 2003, at isang obstruction of justice case taong 2004.
Bukod pa rito, naabsuwelto rin si Mr. Gonzales sa dalawang kaso ng frustrated homicide sa pagitan ng 1992 at 1999, at dalawang kaso ng robbery sa pagitan ng 1993 at 2009! Paano ngayon natin masisisi si Brig. Gen. Torre kung ganoon na lang ang respetong ibinigay niya at ng kanyang mga tauhan sa QCPD kay Mr. Gonzales? Mukhang paborito siya ng mga korte. Sa katunayan, kinuha pa nga siyang trabahador ng isang tanggapan sa pinakamataas na hukuman sa bansa!
Sa kasalukuyan, kinasuhan ni Atty. Raymond Fortun ang tatlong pulis na pinaniniwalaan nating nang-agrabyado sa siklista! Wala ako sa posisyon para husgahan si Mr. Gonzales. Pero kung mauuwi ito sa pagsasampa ng panibagong kaso laban sa kanya, malalaman natin kung hanggang saan ang suwerte niya sa ating legal system.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View sa X app (dating Twitter).