RATED R
ni Rommel Gonzales
IDINETALYE sa amin mismo ni Michael Flores kung paano siya naging biktima ng isang scammer.
“Five years ago nag-start ‘yung investment namin, actually maganda naman, eh.
“And then a couple of months nagtayo rin siya ng sarili niyang networking, doon napunta ‘yung in-invest namin.
“We found out na never pala siyang nagpasok ng sarili niyang pera, ‘yung pera naming mga investor ‘yung ginamit niya para makapagpatayo siya ng sarili niyang networking company.
“So hindi tumagal ng one year nagsara kaagad and unfortunately ‘yung pera ko nandoon, naipit,” umpisang kuwento sa amin ni Michael.
“Unfortunately talagang ‘yung tao nagtatago na, alam mo na, ‘yung the usual.”
Tinanong namin si Michael kung magkano ang kabuuang halaga ng pera niya na naipit sa networking scam.
“Well nasa… may milyon din, eh. Masakit, oo.”
Nakikita pa ba ni Michael ng personal ang naturang scammer?
“Actually nagpaparamdam siya kasi once in a while, ini-expose ko na siya, eh. May time nga na nilabas ko na ‘yung mukha nila sa social media.
“And then may mga kausap na rin ako kasi plano na rin namin talagang i-expose ‘tong tao na ‘to and then kakasuhan na rin namin at the same time.
“Sanay siya kasi nakasuhan na eh! Marami nang nagkaso sa kanya pero mukhang nakalulusot siya, eh. Although nakulong na siya before pero siyempre nakapag-bail.”
Hindi raw ganoon kakilala ni Michael ang naturang ka-deal nila.
“Iyon din yung mali ko eh, kumbaga mayroon lang akong mutual friend na ini-refer sa akin ‘tong taong ‘to.”
Sa simula raw ng pag-i-invest ni Michael ay kumikita siya.
“Pero eventually iyon nga noong nag-shift ‘yung business niya sa iba, gumawa siya ng sarili niyang networking company doon na nagkaproblema.”
Umaasa ba si Michael na maisasauli pa ang kanyang pera?
“Well nagpaparamdam pa naman siya sa akin so, hopefully.
“Pero minsan kasi alam mo ‘yun, ang problema kasi sa laki ng utang niya sa akin magbibigay siya P1k, minsan P2k sabay-biglang ilang araw or linggo even months hindi siya magpaparamdam ulit.
“So that was the time na ilalabas ko siya sa social media kasi nga parang nagtatago na, eh. So paano ko siya, ‘di ba, makakausap kung hindi siya magpaparamdam?
“‘Pag lumabas siya sa social media, nakita niya, ayun magpaparamdam siya ulit.”
Coincidentally, tungkol sa scam ang The Missing Husband na kasali si Michael bilang si Banong.
Tampok din dito sina Yasmien Kurdi, Rocco Nacino, Jak Roberto, Sophie Albert, Joross Gamboa, Nadine Samonte, Shamaine Buencamino, Maxine Eigenmann, Cai Cortez, Patricia Coma, at Bryce Eusebio.
Napapanood sa GMA Afternoon Prime, ito ay idinirehe ni Mark Reyes na siya ring direktor ng Voltes V: Legacy.