WALANG magiging problema sa paglilipat ng Makati sub-stations sa Taguig police, ito ang siniguro ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Roderick Mariano.
Ayon sa SPD director, hindi problema sa pagitan ng Sub-station 8 at Sub-station 9 ng Makati City na ilipat sa pamamahala ng Taguig City matapos ang naging desisyon ng Korte Suprema.
Tiniyak ng District Director, nag-convene na ang Transition Committee ng SPD at nagsagawa ng inventory sa mga pag-aari ng PNP at ang mga LGU loan o pag-aari ng Makati LGU sa Sub-station 8 at Sub-station 9.
Idinagdag ni P/BGen. Mariano, ‘yung properties na pag-aari ng Makati LGUs tulad ng mga baril at mga mobile ay kanilang itu-turnover sa Makati.
Aniyia, habang wala ang mga kagamitan maaaring ang SPD at ang NCRPO sa logistics ang mag-provide nito.
Ayon sa SPD official, 59 personnel ang maaapektohan sa naturang transisyon. Ang 42 personnel o mga pulis nila nagboluntaryong magpapalipat sa Taguig police at 17 ang mananatili bilang Makati police.
Aniya, kung kukulangin pa rin ang mga personnel handa ang SPD na magpadala ng augment force sa mga lungsod ng Makati at Taguig.
Ani P/BGen. Mariano, patuloy ang kanilang maayos na serbisyo para sa seguridad ng mga residente ng Makati at ng lungsod ng Taguig. (GINA GARCIA)