RATED R
ni Rommel Gonzales
ISA ang aktres na si Glydel Mercado sa mga artistang nakaranas ng tinatawag na grand-slam win pagdating sa pagwawagi ng acting award. Ito ‘yung pananalo sa apat o higit pang award-giving body sa loob ng isang taon at para sa iisang pelikula.
Apat na Best Supporting Actress trophies ang napanalunan ni Glydel para sa Sidhi noong taong 2000.
Naiuwi ni Glydel ang mga tropeo bilang Best Supporting Actress mula sa Star Awards (for Movies ng PMPC), Gawad Urian, Film Academy of the Philippines o FAP, at FAMAS.
Pero sa panahong ito, sa dami na ng award-giving bodies ay tila wala nang nakaka-grandslam ngayon.
“Well, totoo ka, mahirap nang maka-grand slam ngayon kasi sa dami ng award giving bodies, nakikita-kita ko rin.
“Talagang mahirap ‘yung isang artista na manalo roon sa lahat ng award-giving bodies na nagbibigay ng awards, kaya siguro suwertihan na lang. Talagang suwetihan na lang kapag na-grand-slam mo lahat iyon, kaya iyon, I mean, just do your best,” pahayag ni Glydel.
Anong masasabi ni Glydel na isa siya, kabilang ang mga aktres na sina Nora Aunor, Vilma Santos, Sharon Cuneta, Lorna Tolentino, Elizabeth Oropesa, Nida Blanca, Gina Alajar at iba pa, sa iilan lamang na “nakatikim” ng grand-slam?
“Very lucky siguro kami kasi at least naabutan pa namin ‘yung ganoon na five or four award-giving bodies na masu-sweep mo lahat.
“So kaya very lucky and very, very proud kami, very thankful na naabutan namin ‘yung genre na ‘yun.”
Kasama sa cast ng Unspoken Letters si Glydel at mister niyang si Tonton Gutierrez, gayundin sina Matet de Leon, Gladys Reyes, Simon Ibarra, Daria Ramirez, Orlando Sol, Deborah Sun, John Heindrick, at ang bidang si Jhassy Busran. Introducing sa pelikula sina MJ Manuel at Kristine Samson.