ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
SIKAT na rapper, content creator, at director si Pio Balbuena. As an actor, marami na rin siyang nagawang pelikula at serye, pero mas nagmarka nang husto sa mga obra ni Direk Roman Perez Jr. gaya ng Taya, Vivamax original series na Iskandalo, at Sitio Diablo.
Ang kanyang Tambay serye sa YouTube ay may malupet na billion views at isa ito sa dahilan kaya very soon ay papasukin na rin niya ang pagiging mainstream direktor.
Si Geleen Eugenio ang naka-discover sa kanya bilang rapper at sa edad na 16, taong 2009 ay pinapunta siya sa Viva at doon nagsimula ang kanyang journey sa mundo ng showbiz. Bandang 17-18 years old naman si Pio nang magsimula siyang magsulat ng mga kanta at nagproduce na siya ng music. Si Gloc 9 daw ang kanyang inspirasyon at idol sa pagiging rapper.
Ngayon ay nakatutok si Pio sa adbokasiya niyang tulungan ang mga tambay. Ito’y sa pamamagitan ng kanyang Tambay caps, na patok na patok na merchandise. Layunin nitong bigyan ng kabuhayan ang mga tambay sa pamamagitan ng pagiging reseller o tulak ng mga caps na ito.
Lahad ni Pio, “Excited ako para sa journey nating ito, kasi lahat naman ito ay para sa kapakanan ng mga tambay na walang diskarte. Ang purpose talaga ng presscon na ito is mapalawak pa natin iyong mensahe at saka yung advocacy para roon sa mga tambay na nasa laylayan.”
Kasama sa naturang presscon ang misis ni Pio na si Aira Balbuena at ang Team Tambay. Present din dito si Direk Roman Perez Jr. na ayon kay Pio ay laging supportive sa kanya.
Sinabi ni Pio ang malaking opportunity na naghihintay sa mga tambay na gustong maging reseller ng Tambay caps. Ayon sa kanya, magandang pagkakitaan ang Tambay caps dahil mabilis tumaas ang market value nito, na hanggang abroad ay nabibili. Pati sa mga collectors ay hot item ang Tambay caps na sa ngayon ay umaabot na ng P25,000 ang isa.
Ano ang requirements para maging tulak or reseller ng Tambay caps?
Esplika niya, “Wala, basta may pangarap ka, game lang. Wala kaming tinitignan na kung anoman, basta gusto mong kumita ng pera, gusto mong magkaroon ng diskarte.
“Lalo kasi ngayon sa tambayan, marami pa rin sa atin ang gustong magtrabaho, masipag, pero hindi mo masisisi dahil hindi naman nakapagtapos ng pag-aaral o kaya ay galing sa loob (kulungan), o kaya naman ay maraming tattoo. So hindi sila makahanap nang maayos na trabaho na may magandang kita.
“Pero sa ginawa naming sistema, yung branding, pinainit namin pero hindi namin sinolo ang kita, shinare namin sa kanila (resellers). In fact mas mataas pa nga ang tinutubo nila sa amin. Sabi ko nga isang libo (ang bili nila), so kung 3500 iyon (benta nila), tumubo na sila ng 2500, hindi ba? Ganoon ang kinikita nila, sa isang sombrero lang iyon. Kasi, mataas ang market value.
“So, para talaga ito sa lahat, kahit na sino, kahit na anong klase ka pang tao, basta gamitin mo lang din sa tama,” pakli pa ni Pio.
Ito naman ang dapat gawin ng mga gustong maging reseller ng Tambay caps:
Pahayag ni Pio, “Madali lang siya actually, mayroong group sa Facebook, iyong Tambay Cap Collectors at mayroon ding Facebook page, as in 24-7 ito ha, kasi nga ay tulong-tulong lahat ng tambay na nandito. Mayroon na kaming 38 thousand na members doon sa Tambay Cap Colectors group na iyon, na umaasikaso sa lahat ng inquiries.
“For example mag-comment ka lang doon nang, ‘Mga ‘tol gusto kong maging tulak ng Tambay caps, paano?’ In just a matter of two minutes ay mayroon na agad magre-reply sa iyo roon. Ganoon kabilis siya, 24-7.
“Kasi lahat ng mga tambay ay involve rito, eh, So grupo-grupo siya, so kapag gusto nilang maging reseller, gusto nilang magtulak ng Tambay caps, punta lang sila sa Facebook page o kaya sa group, may mag-aasikaso agad sa kanila, 24-7, kahit anong oras,” wika pa ni Pio.
Nabanggit din ni Pio na rati siyang tambay kaya alam niya ang buhay ng tambay at may malasakit siya sa kanila. “Lumaki po ako sa squatter at nakita ko kung paano gumana yung maruming sistema. Kung paano ang hirap na mayroon doon at kung paano lumaban ang mga tao roon gamit ang diskrate lang,
“Na, sabi ko, pagdating ng panahon na makawala ako rito sa kahirapan sa squatter, babalik ako rito at tutulong ako sa kanila. Hindi iyong tulong pinansiyal, kasi mauubos ang pera ko kung ganoon ang gagawin ko, hindi ba?” nakatawang sambit ni Pio.
“Pero talagang itinatak ko iyon (sa isip ko), na sabi ko, ‘Magka-asawa at magka-anak na ako, babalik ako rito.’ At ibabalik ko sa kanila kung paano ang diskarte na puwede kong i-share sa kanila,” ani pa ni Pio.