Wednesday , December 25 2024

Nag-ala Pilato si De Lemos

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

HUGAS-KAMAY sa publiko ang overstaying director ng National Bureau of Investigation (NBI), sinabing wala raw siya nang ilang babae na halos hubad na ang nagsipagsayaw kamakailan upang aliwin ang mga opisyal ng kanyang kawanihan.

Ang insidente sa pagtitipon ng mga regional at national officers na katatapos lamang dumalo sa kanilang opisyal na pulong sa Maynila, ay nakunan ng video, na nag-viral naman sa social media.

Aaminin kong isa ako sa mga unang nakatanggap ng nasabing video clip mula sa isang source at isusulat ko sana ang tungkol doon sa Firing Line nitong Huwebes. Pero, aminado ako at walang duda, na mas mabilis sa akin ang social media.

Samantala, sinabi ni NBI Director Medardo de Lemos na kung naroon lamang siya, ipatitigil niya raw kaagad ang pagsasayaw. Gusto ko sanang sabihin na naniniwala ako sa kanya, pero ayoko namang magsinungaling. Ang totoo, si Pilato ang naalala ko sa sinabi niyang iyon.

Maaaring maganda ang pagkakakilala sa kanya ng kanyang mga boss sa Department of Justice (DOJ) kaya pinaniwalaan ang iginigiit niyang siya ay kasing straight ng arrow, o marahil kasing straight ng dance pole sa isang club, puwede rin.

Pangsibak ng DOJ, nanigas sa ere

Kung mas may kontrol lang sana ang pinuno ng DOJ sa kanyang kagawaran. Kung nagkataon, ang mga bagay na tulad nito at ang maraming iba pang isinapublikong kapalpakan ng NBI — mula sa mga pagkuwestiyon ni Dr. Raquel Fortun sa ginawang awtopsiya sa bangkay ni Jun Villamor, hanggang sa pagtrato sa mga suspek sa pamamaslang kay Gov. Degamo, sa nabuking na ginagawa ng detainee-at-large na si Jad Dera, at iba pa — ay hindi sana nangyari.

Ngayong dumating na sa nakadedesmayang kabanata na kinasasangkutan ng pinakamatataas na opisyal ng kawanihan sa isang sosyal na hotel na may respetadong reputasyon, ang isang may dignidad na DOJ secretary ay agarang aaksiyon bitbit ang kanyang pangsibak. Ang una sa kanyang listahan ng mga sisibakin ay ang mismong NBI director.

         Pero paano naman iyon gagawin ni Secretary Boying Remulla kung siya mismo ang nagpalawig sa appointment ni De Lemos sa NBI? Nanigas na sa ere ang pangsibak niya.

NBI intel fund: Saan na pera?

Sa kabila ng sandamakmak na P175-milyong taunang intelligence fund, mistulang pinagkakasya ng 17 regional directors ng NBI ang P20K buwan-buwan, kulang na kulang para sa operational expenses. Dahil dito, naghahagilap sila ng pagkukuhaan ng pondo upang matustusan ang kanilang operasyon.

Saan, kung ganoon, ginagastos ang pera? Ito ang tanong ngayon ng matataas na opisyal ng NBI, at hindi na nila nagugustuhan ang ganitong klase ng pamumuno.

Napupunta kaya ang pera sa bulsa ng mga nasa kapangyarihan, kaya nagtatagal sa puwesto si De Lemos? Kataka-taka ang pinansiyal na misteryong ito sa loob ng ating kagalang-galang na intelligence agency, habang ang masisipag nating agents ay nagkukumahog sa paghahagilap ng kanilang panggastos.

Hindi pa rin nareresolba ang misteryo, nagbibigay-diin sa nakababahalang sitwasyon sa kawanihan. Ang “clandestine operations” at ang matamlay na pagtupad sa tungkulin ng NBI ay nakapagpapataas ng kilay at kinakailangang pakasuriin. Ang balita ko nga, maraming senior agents ang hindi na natutuwa sa nangyayari.

Ang pilyong anak

Kasunod ng pagtatanggal ng YouTube nitong Hunyo 21 at ng TikTok ngayong Hulyo sa mga account ni Apollo Quiboloy sa kani-kanilang platforms, binura na rin ng YouTube ang mga channels ng SMNI News at Kingdom of Jesus Christ (KOJC) nitong Biyernes.

Sa bisa ng US sanctions laban kay Quiboloy, na kabilang sa Most Wanted List ng FBI, winakasan na ng mga nabanggit na social media platforms ang ginagamit niya sa pagbabangong-puri ng kanyang sarili sa publiko. Teka, mistulang ang binansagan ang kanyang sarili bilang “appointed son of God” ay pinarurusahan sa pagiging sobrang pilyong bata.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …