Thursday , April 3 2025

Itinama ng SC ang Meralco

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

MAY dalawang bagay na mas nakapagbibigay ng shock sa atin kaysa koryenteng nagmumula sa ating mga Meralco power outlets: ang binabayaran natin buwan-buwan kahit pa sabihing nagbawas daw sila ng singil sa latest billing; at ang biglaang abiso ng pagputol sa kanilang serbisyo kapag hindi kaagad nakabayad.

         Maikokompara ito sa biglaan at hindi inaasahang pananapak sa iyo ng isang matagal nang kaibigan. Tiyak na “magdidilim ang iyong paningin” dahil hindi mo inaasahang gagawin iyon sa iyo sa una at bibihirang pagkakataon na hindi ka agad nakapagbayad.

         Noong nakaraang linggo, nagpasya ang Supreme Court sa isang kasong inihain noong 1999 at pinaalalahanan ang Meralco na ang 48 oras na “prior notice” bago putulan ng koryente ang customer ay hindi lamang pambobola kundi isang obligasyong legal.

Sinabi ni Joe Zaldarriaga ng Meralco na matagal na raw polisiya ng kompanya ang pagpapatupad ng 48-hour notice. Pero hindi laging ganito ang nangyayari. At maraming Filipino na nakaranas nang umapela, makiusap, umiyak, at magmakaawa sa mga lineman na palawigin pa, kahit isang araw, ilang oras, o kahit mapakuluan lang ang nilulutong sabaw, ang nakaaalam nito kompara sa kahit sinong ehekutibo ng Meralco.

Ang nakahihiya, buong determinasyong ipinaglaban ng power distribution firm ang kasong ito laban sa isang taga-Valenzuela City sa loob ng dalawang dekada. Masyado naman yatang arogante ang datingan ng dambuhalang kompanya, na may polisiya palang bigyan ng 48-hour grace period ang kanilang mga kliyente.

Salamat sa SC, obligado na ngayon ang Meralco na hindi balewalain ang consumer rights ng mga customers nito.

Kailangan ng media ang tuluy-tuloy

na proteksiyon ng Pangulo

Samantala, panahon nang ituluy-tuloy ni President Marcos ang pangako niyang sisiguruhin ang kaligtasan ng mga mamamahayag. Ang pamamaril kamakailan sa photojournalist na si Joshua Abiad ay nangangailangan ng masusi at seryosong imbestigasyon upang mabunyag ang mga nasa likod ng nasabing krimen.

Tama lang na ang alkalde namin sa Quezon City, si Joy Belmonte, ay galit na kinondena ang insidente, kasabay ng pangakong may mananagot sa nangyari.

Dapat na agarang umaksiyon ang Philippine National Police — sa kabila ng pagkakabugbog muli ng reputasyon nito sa nakalipas na mga buwan — at tukuyin kung ang pag-atake ay may kaugnayan sa pag-uulat ni Abiad at siguruhing makakamit ng huli ang hustisya.

Posibleng pinuntirya si Abiad, testigo sa korte laban sa mga drug traders, dahil sa kanyang trabaho. Dumagdag pa ang nakapanghihilakbot na posibilidad na ito sa pangangailangang kaagad na resolbahin ang kaso.

Pagkakataon na ito ng PNP para magpakitang-gilas at patunayan ang kahalagahan nito sa isang mundong pinagdidilim ng krimen, lalo na dahil ang ilan sa mga opisyal nito ay aktuwal na nakasuhan dahil sa pagkakaugnay daw sa mga sindikato ng droga.

Para sa Pangulo, ipagpatuloy sana ang pagbibigay-proteksiyon sa media, gaya ng ipinangako mo. Tulad ng kung paanong solido ang naging pagtugon ng gobyerno sa kaso ni Percy Lapid, dapat na ipakita ng pulisya ang parehong pagpupursigi sa kaso ni Abiad at tuldukan na ang kultura ng karahasan at panggigipit sa mga mamamahayag.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

DDS magpapauto ba kay Imee?

SIPATni Mat Vicencio DESPERADO na si Senator Imee Marcos kung kaya’t ang lahat ng pambobola …

Dragon Lady Amor Virata

Mga kandidato bawal sa graduation rites

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata NAGING kalakaran na tuwing sasapit ang graduation day ng …

Dragon Lady Amor Virata

Totoo kaya ang sumbong?

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MASAMANG-MASAMA ang loob ni Parañaque mayoralty candidate Aileen Olivarez …

Sipat Mat Vicencio

Tagilid si Pia Cayetano

SIPATni Mat Vicencio KUNG hindi magiging maayos ang campaign strategy ni Senator Pia Cayetano, malamang …

Dragon Lady Amor Virata

Vloggers target ng NBI

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata SA RAMI ng fake news na nakikita natin sa …