ALAM MO NA!
ni Nonie V. Nicasio
SOBRANG excited ang New York based singer/songwriter/musical theater actor na si Gene Juanich dahil isa siya sa napiling performer sa gaganaping “Cabaret Showcase” ngayong July 6, 2023 sa isa sa sikat at class na cabaret club sa Manhattan, New York, ang Don’t Tell Mama.
Ayon kay Gene, nakita niya na may audition para sa naturang show at nag-submit siya ng kanyang video reel sa audition ng kantang “Home” mula sa Broadway Musical na “The Wiz” at masuwerte namang nakuha siya para sa callback.
Sa callback ay kinanta ni Gene nang live ang Home at natuwa naman ang auditioner na si Seth Bisen-Hersh sa kanyang rendition kaya napasali siya sa mga performers ng naturang show.
Ani Gene, “Ang na-realize ko po talaga dito sa New York ay kailangan mong mag -audition sa mga shows na gusto mong mapabilang ka. Sa tingin ko po, rito sa New York, it’s not who you know but what you know.”
Dagdag na esplika pa ni Gene, “Talent po talaga ang basehan dito para makuha ka sa isang show.
“Ultimate Idol ko po talaga si Ms. Lea Salonga at pangarap ko po na mapasama balang araw sa isang main Broadway Musical. Nakagawa na rin po ako ng dalawang Regional Broadway Musicals dito sa America ang, “Cinderella The Musical” at “Once On This Island,” kaya sana balang araw ay sa isang main Broadway Musical naman ako makasama.”
May halong kaba at excitement ang nararamdaman ni Gene dahil siya lang ang nag-iisang Pinoy na magpe-perform sa Cabaret Showcase. Ang lahat ng mga kasama niyang singers ay puro mga Puti.
Mapapakinggan ng mga manonood ang ibat-ibang Broadway songs mula sa mga kilalang Broadway musicals na pinalabas sa New York at sa West End.
Nagpapasalamat si Gene sa mga taong walang humpay at walang sawang sumusuporta sa kanyang mga pangarap, tulad nina Elton Lugay – ang CEO at Founder ng TOFA (The Outstanding Filipino Awards), Rasmin Diaz, Justin Girard at sa kanyang Tay-Manager na si Vicente Gesmundo.
Makakasama ni Gene ang mga baguhan at magagaling na Broadway performers na sina CJ Brooke, Christa Clark, Kevin DiCarlo, Michael Haber, Charlie Keegan James, at Niamh McCarthy.
Ang Cabaret Showcase ay idinirek at prinodyus ng batikan at award-winning Lyricist/Composer at Musical Director na si Seth Bisen-Hersh na siyang gumawa ng Off-Broadway Musical na “LOVE QUIRKS” na nanalo ng apat na awards sa BroadwayWorld kabilang na ang “Best Musical Production” at “Best Score”.
Ang Cabaret Showcase ay gaganapin sa Don’t Tell Mama Cabaret Club sa Manhattan, New York ngayong July 6, 2023, sa ganap na 7:00 PM.