I-FLEX
ni Jun Nardo
HINDI pa nga ipinalalabas ang ginawang movie sa South Korea, aba, ikinakasa na ng GMA ang bagong TV series ng BarDa loveteam nina Barbie Forteza at David Licauco.
Naglabasan na sa social media ang pictorial nina Barbie at David para sa TV adaptation ng pelikula nina Sharon Cuneta at Robin Padilla, ang Maging Sino Ka Man.
Feeling Robin si David sa suot niyang maong jacket. Ang Viva movie na ito ang lalong nagpatingkad kay Robin bilang artista.
Sa pagsasama nina Shawie ar Binoe sa movie, lumabas ang balitang hinarap ni Bad Boy noon ang father ni Sharon, ang dating Pasay City Mayor Pablo Cuneta para hingiin ang approval na pakasalan niya ito.
Pero hindi natuloy ang kasalang ‘yon at naghiwalay din ng landas sina Sharon at Robin.
Sana, mabigyang-buhay nina Barbie at David ang classic movie nina megastar at bad boy sa TV adaptation na Maging Sino Ka Man, huh.