RATED R
ni Rommel Gonzales
KOMEDYANA si Herlene Budol pero magdadrama siya sa unang pagkakataon sa Magandang Dilag.
Kaya na ba niyang maging dramatic actress?
“Kayo ho ang mag-judge sa akin kung kaya ko ho.
“Kasi, parang ayoko namang buhatin ang sarili kong bangko.
“Basta sana po, matuwa po kayo sa mga eksena ko na drama. Na akala ko, hindi ko rin magagawa kasi, bilang komedyante nga ho, hindi ko rin naisip na komedyante pala ako, na nakaTatawa pala ako.
“Lalo pa noong drama naman ho. Iyakin lang ho ako, pero hindi ko naisip na magiging dramatic actress,” ang mahabang sagot ni Herlene.
Aminado naman si Herlene na mahina siya pagdating sa pagmememorya ng mga dayalog.
“Yun nga ho, ‘di ba, naikuwento ko nga dati na hirap ho ako sa script talaga.
“’Di ba, noong college nga ho ako, hindi ako pumapasok kapag may recitation. Kasi nga, hindi ko kabisado.
“Eh ngayon nga, obligasyon ko talaga to, kaya ginagawa ko ‘yung best ko.”
Pero may paraan si Herlene para makapagmemorya.
“Ang ginagawa ko, lahat ng lines, tapos isusulat ko one by one. Pati po mga line po ng mga kaeksena ko, isinusulat ko po.
“Ewan ko bakit ganoon po ako magkabisado. Hindi ko po siya kayang basahin lang siya nang ganyan pa.
“Siguro po, level 2 pa lang ang brain cells ko. So, we’re going to level 10 soon,” pagbibiro ni Herlene.
“’Yun po ang adjustment ko, isusulat. Matutulog, tapos kakabisaduhin. Napapanaginipan ko na nga ho.”
Mapapanood na ang Magandang Dilag sa June26 sa GMA Afternoon Prime.