ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
MATAGUMPAY ang ginanap na gala premiere ng pelikulang Monday First Screening na tinatampukan nina Gina Alajar at Ricky Davao.
Ang event ay ginanap kamakailan sa EVM Convention Center. Tinaguriang senior citizen rom-com movie, present dito ang maraming artista para saksihan at suportahan ang first ever movie ng NET25 Films.
Kabilang sa mga celebrity na namataan sina Korina Sanchez-Roxas, Pia Guanio-Mago, Ara Mina, Ali Sotto, Pat-P Daza, Eric Quizon, Ricky Mathay, David Chua, Regine Angeles, Devon Seron, Tonipet Gaba, Daiana Menezes, Love Añover, Emma Tiglao at Wej Cudiamat.
Present din dito ang Film Development Council of the Philippines Chair Tirso Cruz III at Quezon City Mayor Joy Belmonte.
Full support din ang NET25 management sa proyektong ito sa pangunguna ni NET25 President Caesar Vallejos at Ms. Wilma Galvante.
Ang pelikulang Monday First Screening ay hinggil sa dalawang senior citizen na nagkakilala at nagkainlaban sa panonood ng libreng pelikula sa unang screening tuwing Lunes sa isang mall.
Marami ang natuwa, kinilig, at napaiyak na viewers sa nasabing premiere ng pelikulang ito.
Ito ang unang pagkakataon na sumabak sa film production ang Net25 na consistent sa pagpo-produce ng wholesome content sa kanilang network.
Pahayag ni Mr. Vallejos, “Misyon ng NET25 Films na maging generally wholesome, family-friendly production. Napakaraming materyales kahit sa telebisyon at pelikula na may mga touchy na subject. Napatunayan na namin na kayang makabuo ng content na pinahahalagahan ang Filipino values.
“Gusto naming maging iba sa industriya. I think with NET25 Films, magiging very unique tayo. Ang wholesome content ay gagawin tayong kakaiba. tulad nang nabanggit ni Ms. Gina Alajar, puwede naman palang gumawa ng pelikula or kuwento na may kuwenta,” sambit pa niya.
Bukod kina Gina at Ricky, kasama rin sa pelikula ang mga award-winning actors na sina Ruby Ruiz, Soliman Cruz, Che Ramos, at David Shouder. Kasama rin dito ang tambalan nina Allen Abrenica at Binibining Pilipinas 2023 2nd Runner Up na si Reign Parani.
Mula ito sa pamamahala ni Direk Benedict Mique.