Wednesday , December 25 2024

Tagumpay ng mga mister

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

NAGDESISYON kamakailan ang Supreme Court na baligtarin ang pasya ng Court of Appeals na dapat makulong ang isang mister sa hindi pagbibigay ng suportang pinansiyal sa kanyang misis.

Sa kasong ito, natukoy sa iprenisintang ebidensiya na hindi nakipag-ugnayan ang misis sa mister para humingi ng suportang pinansiyal bago naghain ng kasong kriminal laban sa asawa. Pinagdudahan ng SC ang motibo ng misis na agarang sampahan ng kasong kriminal ang mister gayong walang ginawa ang ginang sa nakalipas na 13 taon upang humingi ng sustento mula sa asawa, kaya tinawag itong “dubious.”

Ayon kay Justice Samuel Gaerlan, na sumulat sa desisyon ng Kataas-taasang Hukuman, ang kabiguan o kawalang kakayahan ng isang mister na magbigay ng suportang pinansiyal sa kanyang misis ay hindi awtomatikong nagkakalipika sa kanya sa krimen ng paglabag sa Republic Act 9262, o ang Anti-Violence against Women and their Children Act.

Tinawag pa nga ni Justice Gaerlan na “unfair” ang naging desisyon ng CA nang pinagtibay ang pasya ng korte na ikulong ang mister ng dalawa hanggang anim na taon dahil sa umano’y “economic abuse” laban sa misis nito.

Saludo ang Firing Line sa SC. Sa paninindigan sa tunay na diwa ng batas at sa paglalapat ng hustisya sa kapwa kalalakihan at kababaihan kaugnay ng RA 9262. Nakatutuwang binigyang-diin ni Justice Gaerlan ang parehong obligasyon ng mag-asawa na magbigay ng suporta sa isa’t isa, inilinaw na hindi solong responsibilidad ng mister ang pagsusustento sa kanyang misis.

         Nakatutuwang mapagtanto na sa batas, gaya nga ng isinulat ni Gaerlan, ay malinaw na tinutukoy na ang misis ay mayroong “parehong obligasyon” na sustentohan din ang mister. Inilinaw ng SC na walang intensiyon ang Anti-Violence Against Women and their Children Act na magtakda ng mas malaking responsibilidad sa mga mister o gamitin ang prosekusyong kriminal para puwersahing magbigay ng suportang pinansiyal ang kalalakihan.

Sablay sa pagiging suwabe

Akala yata ni Senator Robinhood Padilla ay grooming salon niya ang Senado. Pare, kung gusto mong magsuklay ng bigote, gawin mo ‘yan sa restroom. Nakita mo ba ang sinuman sa mga senadora na nagre-retouch ng foundation o nagli-lipstick sa kalagitnaan ng pagdinig? Bukod sa pagiging “noisy” — na napansin ni dating Senate president Franklin Drilon — dapat nasa agenda rin ng Senado ang pagkakaroon ng tamang decorum.

Himayin natin ang naging pahayag ni Padilla tungkol sa pagiging seryoso raw ng mga bagong miyembro ng Senado sa pagganap sa kanilang tungkulin. Seryoso? Napapanood n’yo ba ang mga nakalipas na sesyon sa Senado gaya ng marami sa amin?

Walang epekto ang pagtatangka ni Padilla na depensahan ang mga senador na tinawag na “noisy.” Pinapayagan ang pagbibigay ng mga opinyon tuwing may sesyon, pero mayroong kaibahan ang kapaki-pakinabang na ambag sa simpleng pagpapapansin.

         Kakatwang binanggit ni Padilla ang tungkol sa “pagmamana” ng mga problema mula sa mga kagalang-galang na dating senador — isang malinaw na parunggit kay Drilon. Suggestion lang: Sa halip na manahin ang hindi magandang pag-uugali, bakit hindi na lang tutukan ang pagpapatupad ng reporma at pag-aangat ng pamantayan sa Senado?

         So, “Senator Badboy,” tama na ‘yang pagsusuklay ng bigote at aralin mo na lang ang kopya ng Senate rules. Ipakita natin ang isang Senado na seryoso sa pagresolba sa mga problema ng bansa habang pinapanatili ang pagkakaroon ng decorum at propesyonalismo. Kaya nga Senado ang tawag, at hindi “Eat Bulaga!”

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …