ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
KAABANG-ABANG ang pelikulang ‘Malditas in Maldives’ na pinangungunahan ng mga nakakatawang bida na sina Arci Muñoz, Kiray Celis, at Janelle Tee.
Isang NDM studios original, ang pelikula ay kargado ng riot na katatawanan.
Sa “Malditas in Maldives”, tatlong bloggers na magka-away ang nais mag-feature ng isang magarang resort sa Maldives. Ngunit biglang nagka-problema at nawala ang kanilang eroplano. Habang sumasagi sa kanilang isipan na baka sila ay nasa purgatoryo, kailangang gamitin ng tatlong babae ang kanilang talino at kakatwang pag-uugali para makatawid sa mga kaganapang hindi nila inaasahan.
“Hangad po namin na makapagbigay ng nakakatawang karanasan sa aming mga manonood,” sabi ng multi-awarded writer-director-producer na si Njel de Mesa. “At sa tulong ng mga napakagaling naming mga artista na sina Arci, Kiray, at Janelle, alam naming magiging espesyal ang ipapakita namin sa inyo,” dagdag pa ni Direk Njel.
Ngunit hindi lang ang mga karakter sa pelikula ang may kamalasang sinapit, pati rin ang co-producing tandem na sina Direk Njel at Arci. Nawala at hindi kasi dumating ang personal na bagahe ni Arci pati na rin ang ilan sa mga kritikal na film equipment ni Direk Njel. “Hindi dumating yung mga light stands namin, underwater cinematography equipment, scuba gear, boom at sound equipment—maliban sa personal kong mga kasuotan at costumes, “ sambit ni Direk Njel.
“Kay Arci naman, lahat ng personal niyang gamit at make-up. Wala siyang maisuot. Kaya pinagtulong-tulungan na lang ng mga co-actors niya at ni Ms. Jan (ang line producer).”
Payo ni Direk Njel, “Kung kayo’y bibiyahe at magpapalipat-lipat kayo ng eroplano, pumili kayo ng mahabang lay over—higit sa dalawang oras ang pagitan kasi madaling mataranta ang ground staff ng airports at baka rin ma-delay ang flights.”
Sa bandang huli, napagtagumpayan naman ng produksiyon ang mga hamon sa kanila ng tadhana—kahit pa nasa isla sila na walang mga malls at mabibilihan ng kagamitan o kasuotan.
“Napakaganda pa rin lumabas ng pelikula na bunga nang aming pagbabayanihan,” sambit ni Kiray na nagsabing ito raw ang pinakamakabuluhan at pinakamaganda niyang nagawang pelikula.
Sa kabuuan ng komedya, pakikipagsapalaran, at pag-ibig, ang “Malditas in Maldives” ay isang kakaibang pelikula na dapat abangan. Kaya’t maghanda na sa pagtawa at abanganang pelikula sa paglunsad nito ngayong taon.