Sa patuloy na pagkilos ng kapulisan sa Bulacan, kamakalawa, Hunyo 12, ay naaresto ang labingwalong indibiduwal na pawang lumabag sa batas.
Sa ipinadalang ulat kay PColonel Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PNP, sa mga serye ng anti-illegal drug operations na ikinasa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Meycauayan, Guiguinto, at Bulakan, pitong personalidad sa droga ang nadakip.
Nakumpiska sa mga suspek ang kabuuang 22 pakete ng selyadong pakete ng shabu na may DDB value na Php 27,119.00, drug paraphernalia, at buy-bust money.
Ang mga nakumpiskang ebidensiya ay dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit (PFU) para sa nararapat na pagsusuri, samantalang kasong paglabag sa R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Act of 2002) laban sa mga suspek ang inihahanda na para isampa sa korte.
Samantalang sa inilatag na manhunt operations ng tracker teams mula sa 2nd PMFC, Meycauayan, Baliwag, San Miguel, at Paombong C/MPS ay arestado ang walong wanted persons.
Lahat ng naarestong akusado ay kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang arresting unit/station para sa angkop na disposisyon.
Tatlo namang sugarol ang arestado sa anti-illegal gambling operation na minani-obra ng mga operatiba ng Guiguinto MPS.
Nasakote sila sa aktong pagsusugal ng tong-its at nakumpiska sa kanila ang set ng baraha (playing cards) at perang taya sa iba’t-ibang denominasyon.
Nahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong kriminal na inihahanda na ng mga awtoridad para ihain sa korte. (MICKA BAUTISTA)