FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
NAULIT na naman nitong Biyernes: nawalang muli ang koryente sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Kahit pa sabihing 34 minuto lamang iyon, nabuwisit pa rin ang mga pasahero dahil atrasado ang ilang flights dahil dito.
Galit na galit si Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile, sa sobrang pagkadesmaya, umapela siya sa kanyang amo, si President Junior, na pagsisibakin ang mga opisyal ng Manila International Airport Authority (MIAA).
Ito na ang ikaapat na malawakang power outage sa NAIA simula noong Setyembre ng nakaraang taon. At ang unang dalawa ay hindi dapat basta na lang patawarin. Kaya, oo, sang-ayon ako kay Enrile na karapat-dapat sipain mula sa ahensiya ang mga palpak na airport officials na hinahayaan lang na paulit-ulit mangyari ang kahiya-hiyang perhuwisyong ito.
* * *
Sa huli, nagmistulang inako ng Meralco ang responsibilidad sa panibagong power outage sa NAIA nitong Biyernes. Hindi raw sinasadyang nagkamali ang isang tauhan ng MServ habang nagsasagawa ng testing sa mga electrical facilities sa paliparan.
Gayonman, hindi nito maaabsuwelto ang pangasiwaan ng airport sa kabiguang paghandaan ang mga pagkakamaling tulad nito na maaaring mangyari sa mga third-party tests na isinasagawa sa kanilang mga pasilidad.
Balikan natin ngayon ang pahayag ni JPE na ito na ang ikaapat na power outage sa NAIA. At base sa kanyang taya, pareho rin ng sa akin, panahon nang palitan ang mga pangunahing opisyal ng airport ng mga taong makapagtatrabaho nang mas maayos kaysa kanila.
Ayusin na ni Herbosa sarili niya
Sa wakas, nakapagdesisyon na si Presidente na magtalaga ng Secretary of Health sa katauhan ni Ted Herbosa. Bagamat marami ang umaasang dadagsa ang mga pagbati, pero matanong ko lang kung para kanino at para saan.
Congratulations na inabot nang isang taon si Mr. Junior bago nakapagdesisyon, o pagbati na pagkatapos ng napakatagal na pagmumuni-muni — marahil, may bahid pa ng pagdududa — kung karapat-dapat siya sa posisyon, sa wakas ay nasungkit na ito ni Herbosa?
Alinman sa dalawa, dapat magpakahusay ang bagong kalihim ng DOH dahil napapagitna sa matinding hamon ang pangangalagang pangkalusugan ng publiko kasunod ng tatlong taong COVID-19 pandemic.
At mahalagang maging epektibo ang pamumuno ni Herbosa para sa kapakanan ng kalusugan ng mamamayan at mapagkalooban ng mga benepisyo ang mga healthcare workers kaysa intindihin niya ang pagba-viral ng kanyang mga insensitive at walang pakundangang posts na unang naaalala sa kanya ng publiko bilang isang social media character na nag-uudyok ng pagkakawatak-watak.
Kadiring ad ng Angkas
Napatunayan kamakailan ng motorcycle-hailing company na mas mabilis pa kaysa rush-hour traffic kung mag-backfire ang tweets. Ang kanilang hindi pinag-isipang ad, tampok ang isang problemadong dalaga at ang mga salitang “Stepdad, I’m stuck (in traffic),” ay nagpataas ng kilay at tama lang na ikagalit ng mga gender rights activists.
Ang hindi sinasadyang kaugnayan sa “stepfamily porn” ay nagpapakita ng nakababahalang insensitivity ng kompanyang karamihan ng empleyado ay lalaki at dapat na nagpo-promote ng parcel delivery, hindi nangungunsinti ng immoral na sexual dynamics. Nakababahala ang bilang ng mga incestuous na pang-aabuso sa Filipinas, gaya ng binigyang-diin ng netizen na si Reycel Bendaña, miyembro ng transport organization na Move As One.
At tama lang na manindigan si Ms. Bendaña, binatikos ang male-dominated company sa pagsusulong ng immoral na gawain at pagturing na parang normal lang ang incest, at siniguro niyang makakarating sa kinauukulan ang kanyang reklamo, partikular kay Angkas CEO George Royeca.
Bagamat kaagad na humingi ng paumanhin sa publiko ang Angkas CEO, binibigyang-diin ng nangyaring ito ang problema sa kultura natin na mistulang sinasang-ayunan ang mga gawaing nakapagpapahamak sa iba.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.